NAPAKABILIS talaga ng panahon, aba’y ilang araw na lang, Pasko na! Kasunod nito, ang pagsalubong natin sa Bagong Taon ng 2024.
Sana ngayong Pasko, ating ding alalahanin na ang Panginoong Jesus ay isinilang sa mundong ito hindi upang magmalaki at magmapuri sa sarili.
Ang sarili ni Jesus ay ginawa niyang aginaldo at handog Niya sa Mundo, nang akuin ng Panginoon ang lahat ng ating Kasalanan.
Siya ang tumanggap ng mga parusa na tayo na mga makasalanan ang dapat na tumanggap ng kirot at pasakit.
Si Kristo ang nagpakita ng halimbawa ng isang masunuring anak ng Diyos. Kung tutuusin, kaya Niya na huwag mangyari na mapako siya sa Krus at kaya Niyang iligtas ang sarili sa lahat ng paglibak at pagtuya ng mga ayaw sumampalataya sa kanyang pagiging Anak ng Diyos.
Pero ano ang sabi ni Jesus? “Mangyari ang kalooban Mo, hindi ang kalooban ko!”
Nang magpapako sa krus, ipinagkatiwala Niya ang kanyang buhay sa sinapupunan ng Dakilang Diyos, ang sarili ni Jesus ang unang aginaldo niya sa unang-unang Pasko sa Bundok ng mga Bungo sa Golgota, Roma.
Regalo, Chritmas gift ni Jesus ang Sarili Niya sa atin.
Gantihan natin ng kabutihan ang ginawa ni Jesus na siyang tunay na diwa ng Pasko. At matuto tayong humingi ng patawad at magpatawad.
Pasko. Kristo. Jesus.
o0o
Tama na dapat na magsaya, kasi kaarawan ng Dakilang Manunubos, ang Panginoong Jesus.
Nang isilang si Jesus, sa isang hamak na sabsaban sa Betlehem, na Anak ng Diyos, bakit sa dukhang lugar pinili na siya ay ipanganak ni Maria?
May takdang misyon kasi si Kristo: ito ay ang tubusin nga tayo sa ating mga kasalanan, at ang bawat latay, bawat dura sa mukha, sa bawat hampas sa kanyang katawan, ang bawat tinik na bumaon sa kanyang ulo, ang bawat patak ng dugo mula sa Kanyang banal na katawan ay bayad ni Jesus sa ating mga pagsuway, at maging hanggang ngayon, Siya pa rin ang nagbabayad sa patuloy nating paggawa ng mga kasalanan.
Ang ganitong paghihirap ay hanggang ngayon naranasan pa rin ng mahihirap nating kabavayan gawa ng COVID-19 pandemic at mga lugar na sinalanta ng mga bagyo at lindol sa Luzon, Visayas at Mindanao area.
Hanggang ngayon ay bakas pa rin ng pandemic at ng mga bagyo at lindol sa ilang mga lugar ang sobrang hirap – libo-libo ang nawalan ng trabaho at ng mga tirahan, marami pa rin hanggang ngayon ang namamalimos, merong nakagagawa na ng labag sa batas upang mapakain ang mga mahal sa buhay na masuwerteng nakaligtas sa karit ng kamatayan.
Kailangan nila ng tulong, kaya ang malabis na pagsasaya o pagdiriwang ng Christmas Party ay napapanahon ba sa ngayon o hindi.
Buhay ni Jesus ang ibinigay Niya sa krus: ang ilang subo ng kanin, at ilang kurot sa masasarap na uptake (sana) ay hindi ba natin maibibigay sa mga dukha at kaawa-awang mahihirap na pamilyang Pilipino?
Mabuhay tayong lahat at Maligayang Pasko.
o0o
Sa isang taon ay umpisa ng kani-kaniyang porma at pakulo ang mga kandidato para sa midterm (2025) elections.
Marami na ang nagpapakilala na sasabak sa pagka-senador, congressman, governor, mayor etc., at magpapahuli ba ang mga dating talunan at dilawan, hindeeee po!
Kahit ang mga lokal na kandidato, kani-kaniya na rin ng papogi at paramdam sa mga botante at asahan, early months ng taong 2024 lalo na ang Valentine’s Day, mangingitim ang langit sa dami ng isasabit na pagbati para sa mga magsing-irog at mga kasalang bayan na pakulo ng mayor.
Buti na lang talaga andyan palagi ang Comelec na siyang naglilimita ng airtime sa radio at TV ng mga kandidato at maging sa print media, pero ang palaging tanong, paano mamomonitor ng maayos at tama ng poll body ang pagkampanya nila sa social network tulad ng Facebook, Twitter, You Tube, Zoom, at iba pang electronic media?
Kung tutuusin, may pagkakaiba pa ba ang mga kandidato halimbawa ng LP, NP, NUP, at mga kandidato ng adminitrasyon – parang iisang “mukha” lamang sila na ang prinsipyo at paninindigan ay depende sa magiging pakinabang nila at depende sa kung sino ang nakaupo sa Malakanyang.
Pagbibiro ng isang kaibigan, tutal pare-pareho naman ang mga “kulay” ng mga kandidatong ito, daanin na lang sa tambiolo ang pagpili sa kanila, matipid pa, ganuuun?
o0o
May pakiusap ang netizens sa mga kilalang korap at mga mandarambong, ‘wag na silang tumakbo o lumahok sa 2025 elections kung meron man silang mga ambisyon na maging senador at congressman.
Bakeeet? Hindi sila mananalo, umatras na sila sa ambisyon nila na sumali pa sa midterm elections.
Pero kung ang istilo nila at paraan para manalo ay: guns, goons at gold sa 2024 ay isang matinding problema na naman yan na dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno.
May guns, goons at gold nga ba kayo?
o0o
Uulitin ko, kung walang impormasyon ang mga nasa media, paano malalabanan ang kurapsiyon at kabulukan sa pamahalaan.
Paano uusigin ang mga tiwali kung wala tayong datos, mga dokumento upang maisiwalat ang kawalanghiyaan ng mga taong ating inihalal at pinagkatiwalaan, gets nyo na?
o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected]