AGRARIAN REFORM BENEFICIARY DISMAYADO SA PATULOY NA IMPORTASYON NG AGRI PRODUCTS

NAGPAHAYAG  ng pagkadismaya ang isang pinuno ng magsasakang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa patuloy na importasyon ng pamahalaan ng mga bigas at iba pang produktong agrikultura mula sa ibang bansa sa halip na suportahan ang mga magsasaka at tulungan palakasin ang mga produksyon at bentahan ng mga produktong pang agrikultura nito sa merkado.

“Ang farmers ang backbone of the economy. Ang farmers ang nagpapakain sa 120 million na Pilipino,” ang pahayag ni Simplicio Julian na lider sa Baksayan Irrigators Association mula sa Umingan, Pangasinan sa kanyang motivational speech sa graduation day ng Farm Business School (FBS) ng nakaraang linggo.

Sinabi ni Julian na nakalulungkot isipin na bagamat itinuturing na agricultural country ang Pilipinas ay patuloy itong nakasandal sa ibang bansa at nag- aangkat ng agricultural products. “It can be attributed to the comparably low yield of our country’s farmlands,”sabi ni Julian.

“Dito nag-aaral ang mga Indonesian, ang mga Thailander, at mga Vietnamese. Nag-aaral sila dito sa PRRI, sa CLSU, para makapag-aral sila ng bagong technology, pero it is sad to say na nahuhuli tayo at iniwan na tayo ng mga ibang ASEAN countries,”ang sabi ni Julian.

“Dito sjla nag-aral ng technology pero ang production nila sa kanilang mga bansa ay mas malaki kesa sa atin. Nagpo-produce sila ng 200 to 250 cavans per hectare pero sa atin ay kaunti lang,” dagdag pa ni Julian.

Sa gitna ng kakulangan umano ng pamahalaan na patuloy na resolbahin ang naturang problema ng mga mgasasaka, hinimok ni Julian na manatiling positibo ang mga ito .“Kung ano ang kaya nila ay kaya rin natin. Kailangan nating maging miyembro ng P.M.A. Anong ibig kong sabihin [sa] P.M.A.? Positive Mental Attitude. Kung kaya nila, kaya rin natin na magpalaki ng ani,” sabi ni Julian.

Samantala, binigyang pansin naman ni Julian ang pagsisikap ng DAR na tulungan ang magsasaka na ARBs na mapalakas ang kanilang pag-aani sa pamamagitan ng capacity building at training at pagbibigay ng mga makinarya na pampalakas ng irigasyon at produksyon, at pagbibigay ng market linkages kung saan sila maaaring magbenta ng kanilang mga ani.

“Palakpakan natin ang Department of Agrarian Reform sa kanilang mabuting hangarin na tayong mga magsasaka ay tulungan,”sabi ni Julian.

Si Julian ay isa lamang sa 106 agrarian reform beneficiaries na nakatanggap ng certificate of completion ngayong taon sa ilalim ng FBS program., matapos makumpleto ang 25 sessions at mga rekisitos sa kanilang pag aaral sa pagsasaka sa programang ito. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia