AGRI DAMAGE NG EL NIÑO P1.31-B NA

PUMALO na sa P1.31 billion ang pinsala ng El Niño phenomenon sa agrikultura hanggang mid-March, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sa isang briefing, sinabi ni DA spokesperson Arnel De Mesa  na hanggang noong Marso 12, karamihan sa pinsala ay nakaapekto sa 14,142 ektarya ng taniman ng palay.

Pangunahing naapektuhan ang mga lugar sa Western Visayas, Zamboanga, at Ilocos, o yaong mga nasa  western side ng archipelago.

Sa kabila nito, tiniyak ni De Mesa sa publiko na mas maliit pa rin ito kumpara sa pinsalang natamo sa El Niño na tumama sa bansa noong 1997 at 1998.

“Maliit pa po ito, about 1.5 percent of the total area na mayroong tanim. In terms of volume, it’s about less than 1 percent of our projected harvest for the year,” aniya.

“Kung ikumupara po natin sa worst El Niño na tumama sa atin noong 1997 and 1998, ang total area na devastated by El Niño, one of the strongest, it was about 372,000 hectares and during this time naman ay nasa harvest period na tayo, March, April, May, hopefully hindi na masyadong mataas,” dagdag pa niya.

Sinabi ng DA na naghanda ito ng water management interventions, kabilang ang solar irrigation at ang paggamit ng alternate wetting at drying strategy para sa palay.

“This strategy helped a lot in conservation of water without sacrificing yung ating (our) projected yield,” aniya.