AGRI DAMAGE NG El NIÑO P2.63-B NA

PUMALO na sa mahigit P2 billion ang pinsala sa agriculture sector ng El Niño phenomenon, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Hanggang Abril 1, sinabi ng DA na ang pinsala sa mga sakahan sa 10 rehiyon  — Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula at Soccsksargen — ay nasa P2.63 billion, na nakaapekto sa 54,203 magsasaka.

Ayon sa DA, may kabuuang 53,879 ektarya ng farm lands ang naapektuhan ng El Niño, kung saan 81.01% o 43,648 ektarya nito ang may tsansang makarekober, habang 10,231 ektarya ang wala nang pag-asang makarekober.

Pagdating sa volume, may kabuuang 116,792 metric tons ang production loss sa bigas, mais, at iba pang  agricultural produce tulad ng high-value crops at livestock.

Ang bigas ang pinakaapektadong pananim na may total value loss na P1.72 billion mula sa kabuuang 72,733 metric tons na napinsalang rice crops sa 34,264 ektarya ng El Niño-hit rice fields.

Ang halaga ng pinsala sa mais ay nasa P591.74 million habang ang damage ay umabot sa 35,885 metric tons sa 16,956 ektaryang lupain.

Para sa high-value crops, ang pinsala ay nagkakahalaga ng  P326.68 million habang ang volume ng production loss ay 8,173 metric tons sa total area na 2,659 ektarya.

Samantala, ang pinsala na natamo ng livestock sub-sector ay nasa  P59,600.