UMABOT na sa P151.3 million ang halaga ng pinsala ng El Niño sa sektor ng agrikultura kahit hindi pa nararanasan ng bansa ang peak ng tagtuyot, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ang pagtayang ito ng DA ay tumaas mula sa P109.4 million na halaga ng pinsala na naitala noong katapusan ng Enero, na sumasaklaw sa 6,618 metric tons ng palay at mais sa 3,291 ektarya.
Sa pagtaya ng DA, may 3,923 magsasaka sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula ang apektado ng El Niño.
“Most of the damage and losses were incurred on rice and corn that are on their reproductive stage,” nakasaad sa bulletin ng DA.
Opisyal na inanunsiyo ng PAGASA ang pagsisimula ng El Niño noong July 2023, kung saan inaasahan ng World Meteorological Organization (WMO) na tatagal ito hanggang April 2024.
Tinataya naman ng National Irrigation Administration (NIA) ang 1.5-million metric ton (MT) loss sa palay.
Bilang tugon, sinabi ng DA na gumasta ito ng P1 million para mapagkalooban ng tulong ang mga magsasaka, kabilang ang pamamahagi ng vegetable seeds sa Western Visayas, at pagbili ng planting materials para sa high-value crops na kaunting tubig lamang ang kailangan para sa Zamboanga Peninsula.
Noong nakaraang Disyembre ay nagsimula na ring magpatupad ng mga hakbang ang DA tulad ng cloud-seeding operations para maibsan ang epekto ng tagtuyot sa produksiyon ng pagkain.