UMAKYAT na sa P325,279,850 ang pinsala sa agrikultura ng mga pag-ulan at pagbaha na dulot ng shear line magmula noong Christmas weekend, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa pinakahuling report ng NDRRMC, ang rehiyon na may pinakamalaking pinsala ay ang Northern Mindanao na may P172.45 million, kasunod ang Mimaropa na may P83.65 million at Bicol Region na may P56.05 million.
Samantala, ang pinsala sa imprastruktura ay umabot sa P268.56-M. Iniulat din ng National Irrigation Administration ang mahigit P2 million na pinsala.
Ayon pa sa NDRRMC, nasa 5,152 bahay ang nawasak — 4,242 partially at 910 totally.
May kabuuang 23 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity, kabilang ang Brooke’s Point sa Palawan, Llorente sa Eastern Samar, Dapitan at Polanco sa Zamboanga del Norte, Gingoog at Talisayan sa Misamis Oriental, at ang buong lalawigan ng Misamis Occidental.