UMABOT sa P4,467,500,427 ang pinsala sa agrikultura ng pananalasa ng mga bagyong Kristine at Leon sa iba’t ibang rehiyon, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa kanilang 8 a.m. report kahapon, sinabi ng NDRRMC na karamihan sa pinsala ay iniulat sa Bicol Region na may P2,831,633,632. Ang mga sumusunod na rehiyon ay nag-ulat din ng pinsala sa agrikultura:
• Mimaropa – P736,476,510
• Central Luzon – P316,691,774
• Ilocos Region – P217,244,977
• Eastern Visayas – P183,496,416
• Calabarzon – P75,314,573
• Western Visayas- P39,189,278
• Cordillera – P18,621,027
• Soccsksargen – P16,212,237
Ayon sa NDRRMC, nasa 105,258 magsasaka at mangingisda at 90,321 ektarya ng pananim ang naapektuhan nina Kristine at Leon.
Naitala rin ang P6,829,789,026 halaga ng pinsala sa imprastruktura at P32,620,000 sa irrigation facilities.
Sinabi ng NDRRMC na ang iniulat na death toll dahil sa weather disturbances ay nanatili sa 150.
Tatlumpung iba pa ang nawawala at 122 ang sugatan.
Dahil sa mga pagbaha at landslides, may kabuuang 155,121 bahay ang napinsala — 143,092 partially at 12,029 totally.
Nagkaroon din ng problema sa power supply, water supply, at communication line services.
Dahil sa banta nina ‘Kristine’ at ‘Leon’, 96 seaports at tatlong airports ang nagsuspinde ng operasyon. Sa seaports, 2,243 pasahero, 515 rolling cargoes, 24 vessels, at 6 motorbancas ang stranded.
Si ‘Kristine’ ay pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) noong Oktubre 21 at nag- landfall sa Divilacan, Isabela noong Oktubre 24. Lumabas ito ng PAR noong Oktubre 25.
Samantala, pumasok si Leon sa PAR noong Oktubre 26. Dumaan ito sa Batanes at lumabas ng PAR noong Oktubre 31.