AGRI DAMAGE NI ‘ODETTE’ P3.1-B NA

PUMALO na sa P3.1 billion ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura ng bagyong Odette na nanalasa sa Visayas at Mindanao, ayon sa datos na inilabas ng Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes.

Ang halaga ay tumaas ng P500 million mula sa P2.6 billion na halaga ng pinsala na naitala nitong December 22.

Ayon sa DA, mahigit sa 39,000 magsasaka at mangingisda sa  10 pinakaapektadong central at southern regions ang nawalan ng kabuhayan, na tinatayang nasa  90,316 metric tons ng mga pananim sa mahigit  65.000 ektaryang lupain.

Pagdating sa mga pananim, ang bigas ang nagtamo ng pinakamalaking pinsala sa P1.7 billion; kasunod ang fisheries, P1.3 billion; corn, P82.2 million; irrigation at agri-facilities, P44.8 million; high-value crops, tulad ng vegetables, cacao, at banana, P20.7 million; livestock at poultry, P12.8 million; at  machinery at equipment, P1.2 million.

Sinabi ng ahensiya na magkakaloob ito ng P2.6 billion na halaga ng ayuda para agri-fisheries sector — P1 billion para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar; P500 million na financial assistance; P148 million na halaga ng  rice seeds; P57.6 million na halaga ng corn seeds; at P44.6 million na halaga ng  vegetables.

Nagkakahalaga naman ng P1.64 million ang ayuda sa fisherfolk; P828 million mula sa Philippine Crop Insurance Corporation para sa bayad-pinsala sa mga magsasaka; at P625,150 para sa drugs at  biologics para sa livestock at poultry.

Samantala iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nanatili sa P585.8 million ang pinsala sa imprastruktura ng bagyo.