UMAKYAT na sa P49.54 million ang pinsala sa agrikultura ng bagyong Paeng hanggang kahapon ng umaga, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sa ulat ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center ng DA, hanggang alas-8 ng umaga nitong Linggo, nasa 1,949 ektarya ng agricultural areas — pangunahin sa Luzon at Western Visayas — ang napinsala ng bagyo.
Ang volume ng production loss ay tinatayang nasa 2,543 metric tons at 1,949 ektarya ng agricultural areas sa Mimaropa, Bicol, at Western Visayas, na nakaapekto sa 762 magsasaka.
Malaking bahagi ng pinsala ay nasa rice sector na may P47.25 million, sumusunod ang high value crops na may P1.24 million, at fisheries na may P1.05 million.
“The DA continuously coordinates with concerned NGAs (national government agencies), LGUs (local government units), and other DRRM-related offices for the impact of the tropical cyclones, as well as available resources for interventions and assistance,” nakasaad sa bulletin ng DA.
Nakatakdang mamahagi ng tulong ang DA sa mga apektadong magsasaka at mangingisda, kabilang ang bigas, mais, assorted vegetable seeds, at drugs at biologics para sa livestock at poultry.
Magkakaloob din ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng fingerlings at ayuda sa mga apektadong mangingisda.
Ang mga naapektuhan ng bagyo ay maaari ring makautang ng P25,000 sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program mula sa Agricultural Credit Policy Council (ACPC), gayundin sa Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.
Sa pinakahuling report ay umabot na sa 48 katao ang nasawi habang halos isang milyon ang naapektuhan ng bagyo.