AGRI GROWTH BUMAGAL SA Q1

USMAN AGRICULTURE

BUMAGAL ang paglago ng sektor ng agrikultura sa first quarter ng taon kasunod ng pagbagsak ng produksiyon ng mga pananim sa naturang panahon.

Sa datos na ipinalabas ng Philippine Statistics Autho­rity (PSA), ang farm sector ay lu­mago ng 0.67 percent sa first quarter, mas mabagal sa 1.08-percent growth na naitala sa kaparehong quarter noong 2018.

Sa kasalukuyang presyo, ang gross value ng agricultural production ay nasa P429.7 billion, mas mababa ng 3.12 percent kumpara noong nakaraang taon.

Ang crops subsector, bumubuo sa 52.71 percent ng total agricultural output, ay bumaba ng 1.01 percent, sa likod ng pagbagsak ng palay at corn production.

Pagdating sa livestock, ang produksiyon ay nagtala ng 1.25 percent na pagtaas at nag-ambag ng 17.11 percent sa total agricul-tural production makaraang maiposte ang mas mataas na outputs para sa cattle, hog at dairy.

Nagtala rin ang poultry ng 5.41-percent growth sa unang tatlong buwan ng taon, na kumakatawan sa 16.74 percent ng kabuuan. Nagpapakita ito ng gross value na P55.4 billion, mas mababa ng 3.66 percent sa comparable period.

Nagposte naman ang fisheries ng 0.97-percent increase upang mag-ambag ng 13.45 percent sa total production, sa pangunguna ng pagtaas sa round scad at skipjack.

Dahil dito, ang presyo na natanggap ng mga magsasaka ay bumaba ng 3.76 percent sa nasabing period — mas mababang crop prices sa 5.46 percent, livestock sa 1.49 percent, at poultry sa 8.60 percent.

Ang agricultural output ay bumubuo sa one-tenth ng gross domestic product (GDP) ng bansa sa mga nakalipas na taon. Ipalalabas ng pamahalaan ang first-quarter GDP data sa Huwebes.

Comments are closed.