AGRI, INFRA DAMAGE NI ‘JULIAN’ PUMALO NA SA P1.4-B

UMABOT na sa mahigit P1.4 billion ang pinagsamang pinsala sa imprastruktura at agrikultura ni Super Typhoon Julian, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa kanilang latest situational report, sinabi ng NDRRMC na ang agriculture damage ay tinatayang nasa P504.1 million sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Central Luzon.

Samantala, ang infrastructure damage ay nasa P965.1 million sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera.

May kabuuang 2,604 bahay ang napinsala sa Ilocos, Cagayan Valley, at Cordillera.

Lima ang kumpirmadong nasawi sa super typhoon — apat mula sa Ilocos at isa sa Cagayan Valley.

May 12 katao rin ang sugatan sa Cagayan Valley habang isa ang nawawala sa Cordillera.

Si ‘Julian’ ay nakaapekto rin sa 113,510 pamilya na katumbas ng 376,029 katao na nakatira sa 973 barangays sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera.