AGRI LANDS ISASAILALIM SA GEOMAPPING

UPANG matukoy kung anong tugma o tamang gulay o butil ang itatanim, isasailalim sa geomapping ang mga agricultural land sa bansa.

Sa pamamagitan nito ay matutukoy din ang soil maps para sa specific agricultural products upang matiyak ang mataas na produksyon ng mga magsasaka gayundin ang kanilang kita.

Ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang geomapping nang magkaroon ng pulong kasama ang Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) sa Malacañang nitong Miyerkoles.

Sinabi ng Pangulong Marcos na dati nang isinagawa ng bansa ang geomapping bilang pang-resolba sa mga problemang may kaugnayan sa pagtitulo.

“Iyong sa geomapping, actually ginagamit na namin ang mapa ng BIR (Bureau of Internal Revenue) at saka NAMRIA (National Mapping and Resource Information Authority). We are putting together everything kasi mahirap naman ipa-survey lahat. So, para alam na natin ‘yung mga areas and it started also with irrigation, sa NIA,” ayon kay Marcos

“So from that, ‘yung titling problem na sinasabi natin, magiging mas madali. But at least ma-define na natin ‘yung mga parcels of land and, in that way, alam na natin. So, kung maalis na natin ang titling problem, mas madali na lahat,” ani Pangulong Marcos.

Ang geomapping ay dati nang tinatalakay ng PRISM, grupo na itinatag noong 2019 na kinabibilangan ng multisectoral groups na tumatalakay sa rice industry value chain.

Naniniwala ang PRISM na matututukan na ng kasalukuyang pamahalaan ang geomapping.

Napag-usapan din ang clustering, low soil fertility, mill modernization, at improved milling process sa pulong sa Malacanang.
EVELYN QUIROZ