(Agri leader sa gobyerno) LOCAL PRODUCTION NG BIGAS PALAKASIN, FARMERS TULUNGAN

NANAWAGAN ang lider ng isang agricultural group sa pamahalaan na mas pagtuunan nito ng pansin ang pagpapalakas ng lokal na produksiyon ng bigas at tulungan ang mga naluluging Pilipinong magsasaka, sa halip na ipilit ang pagpapababa ng presyo nito.

Ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), nananatili namang mahal ang presyo ng mga imported na bigas sa kabila ng inisyung Executive Order No. 62, na ang tumbok sana ay pababain ang halaga nito sa mga pamilihan sa pamamagitan ng pagtapyas ng taripa na maaari namang ikalugi ng gobyerno ng P30 bilyon.

Ani Cainglet, malabong maabot ang P20 kada kilo ng bigas sa ngayon, kaya mas mabuti kung mas tututukan ng gobyerno ang pagpapalalakas ng lokal na produksiyon para kumita ang mga magsasaka.

“Ang sitwasyon talaga ngayon kaya luging-lugi tayo sa imports, mas mura ‘yung imports tapos maliit lang ang inaaani ng ating mga farmers. Samantalang ‘yung ibang bansa, 5 tons, 6 tons per hectare po ang average. Kaya doon pa lang po medyo lugi na tayo,” sabi ni Cainglet.

“Pangalawa, mataas po talaga ang cost ng ating production,” aniya.

Giit niya, dapat ding dagdagan ang pondo ng Department of Agriculture (DA) para matulungan ng ahensiya ang pangangailangan ng mga magsasaka.

“Dapat po sana mapalaki ang budget ng DA, at dapat doon po talaga siya ilugar sa mga strategic interventions, hindi ‘yung puro farm-to-market,” sabi pa ni Cainglet.

Dagdag pa niya, mula nang ipatupad ang EO No. 62, lubhang bumaba na ang farm gate price ng palay kaya naman maraming magsasaka ang nalugi.

Ang EO No. 62 na nilagdaan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ay naglalayong tapyasan ang taripa ng mga imported na bigas mula 35% sa 15% na lamang upang mapababa ng mula P5 hanggang P6 ang presyo ng mga imported na bigas.

Tinutulan ng mga magsasaka ang pagpapatupad ng EO No. 62 bago pa man ito naging epektibo dahil sa pangambang magdudulot ito ng kumpetisyon sa lokal na produksiyon at pagkalugi dahil sa posibleng pagbaha ng mga imported na bigas, at mawawalan ng ayuda ang mga ito na taripa ang pinagkukunan ng pondo.

Nakabimbin pa rin sa Korte Supreme ang kanilang petisyon na ipawalang-bisa ang EO No. 62z

“Hanggang ngayon nakabimbin po sa Supreme Court(SC) ang ating case para mapawalang-bisa. Ikalawa, kinausap tayo ng NEDA (National Economic Development Authority) last month. Sabi natin hindi na kailangan ang review four months into EO (EO No. 62). Malinaw naman na una, hindi nakinabang ang consumers, mahal pa rin ang bigas.

Pangalawa, nalugi ang farmer dahil bumagsak ang farmgate niya. Mismong gobyerno nalugi, imagine P16 milyon, sa bigas pa lang. Hindi pa natin kino-compute ‘yung tariff reduction sa baboy, mais at manok ano. Aabot ‘yan sa tantya natin ng P30 bilyon lahat lahat,” dagdag pa ni Cainglet.
Ma. Luisa Macabuhay- Garcia