NAGPALABAS ngayong araw si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang Administrative Order (AO) na magpapabilis at magpapadali sa pag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura bilang tugon sa mataas na inflation sa bansa.
Nilagdaan noong Setyembre 21 subalit ipinalabas lamang ng Malacañang kahapon, ang AO No. 13 ay nagtatanggal sa non-tariff barriers sa pag-angkat ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng karne ng baboy, karne ng manok, isda at bigas.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang isda at lamang-dagat, bigas at karne, at gulay ay bumubuo sa 2.4 percentage points ng 6.4 percent inflation rate noong Agosto.
Nakasaad sa AO No. 13 ang pagpayag sa importasyon ng mga produktong pang-agrikultura kahit lagpas sa Minimum Access Volume (MAV) tulad ng bigas upang magkaroon ng sapat na supply nito sa mga pamilihan sa buong bansa.
Sa naturang AO ay inaatasan ang National Food Authority (NFA), Sugar Regulatory Administration (SRA) at Department of Agriculture (DA) na makipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI) para padaliin ang proseso ng importasyon ng mga produktong pang-agrikultura para mapababa ang presyo ng mga ito sa merkado.
Nakasaad pa sa kautusan ng Pangulo na pansamantalang papayagan ang direktang importasyon at padadaliin ang pag-iisyu ng permits at accreditation ng mga trader na nagnanais na mag-angkat ng bigas upang mabuwag ang monopolyo.
Kaugnay nito ay ipinalabas din ni Pangulong Duterte ang Memorandum Order No. 26 na nag-uutos sa DA at DTI na magpatupad ng mga hakbang para mapababa ang presyo ng mga produktong pang-agrikultura mula sa farmgate price patungo sa retail price ng mga ito.
Sa memorandum order No. 27 naman ay nais ng Pangulo na tiyakin ng DA, Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tiyakin ang agaran at mabilis na pagdating sa mga palengke ng mga inangkat na agricultural at fishery products mula sa mga pantalan.
Samantala, sa ilalim naman ng Memorandum Order No. 28 ay inatasan ng Pangulong Duterte ang NFA na agarang ilabas sa merkado ang NFA rice na nakatago sa mga bodega nito. EVELYN QUIROZ