MAGIGING tuloy-tuloy ang paglakas ng agricultural production ng bansa sa pinaigting na kooperasyon sa Italy, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Sa isang statement nitong Lunes, sinabi ni Tiu Laurel na nagkasundo ang dalawang bansa sa isang draft Memorandum of Understanding na naglalayong palakasin ang productivity at agro-industrialization para sa milyon-milyong Filipino farmers, sa pagdiriwang ng World Food Day noong nakaraang Okt. 16 sa Rome.
“Italy’s agricultural machinery industry is world-class, and the Philippines can greatly benefit from this expertise as we modernize our agricultural sector,” ani Tiu Laurel.
Ang draft partnership ay iprinisinta sa pakikipagpulong ni Tiu Laurel kay Italian Minister of Agriculture Francesco Lollobrigida.
Bukod dito, binanggit din ni Tiu Laurel ang mga panukala na palawakin ang exports upang isama ang tuna, pineapples, frozen fish, carrageenan, at desiccated coconut; mas maraming Italian business investments sa Pilipinas para sa modernization at smart agriculture; at ang posibilidad na palawakin ang food trade at work opportunities para sa skilled Filipino fishers sa Italy.
“Our partnership in agriculture reflects the shared vision of our two nations. We look forward to finalizing our agreements and ensuring sustainable, inclusive, and resilient food systems,” dagdag pa ni Tiu Laurel.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nagtala ng USD129 million na halaga ng agricultural exports sa Italy, kasama ang tumataas na demand para sa Philippine food products dahil sa lumalaking Filipino community, na ngayon ay nasa 200,000, at ang demand para sa Philippine cuisine sa mga Italian.
Samantala, ibinida ni Tiu Laurel, ang “strategic investment plans” sa pakikipagtulungan sa Food and Agriculture Organization (FAO), sa mga piling commodity targets, kabilang ang abaca, bamboo, mango, at seaweeds.
“We are keen to develop our agriculture sector through increased trade and investment. The Philippines is dedicated to creating sustainable livelihoods for our farmers and fisherfolk,” pahayag niya sa naunang pakikipagpulong kay FAO Director-General Dr. Qu Dongyu.
Ayon kay Tiu Laurel, ang mga kinauukulang sektor ay makatutulong sa paglikha ng mga trabaho, pagpapalakas sa ekonomiya ng bansa, at pagsusulong sa sustainable development.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay may nagpapatuloy na kolaborasyon sa FAO, kabilang ang USD41 million na halaga ng mga proyekto na binubuo ng 19 national projects, at 16 karagdagang global at regional projects. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA