AGRICULTURAL INSURANCE PLAN, EPEKTIBO NGA BA?

NAGBUNYI ang milyon-milyong taga-suporta ni President-elect Bongbong Marcos nang malaman nilang ito muna ang magiging pansamantalang kalihim ng Department of Agriculture (DA).

Mahalaga ito upang makamit natin ang ating minimithing food security.

Magandang ideya dahil makikita mismo ng Presidente kung ano-anong problema sa ahensiya.

Sabi nga, re-organisasyon ang kailangan sa DA.

Hindi biro ang kinakaharap nitong suliranin.

May nakaamba pang krisis daw sa pagkain.

Sabagay, hindi lang naman ito problema ng Pilipinas kundi ng buong mundo.

Nagbabala kasi tungkol sa krisis ang World Bank, World Trade Organization, Food and Agricultural

Organization of the United Nations at World Food Program.

Sinisisi nila ang pandemya at ang nangyayaring kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Hanggang ngayon, hindi pa rin tapos ang giyera ng dalawang bansa.Dahil mahirap at maliit ang ating bansa, mas tagilid tayo.

Madalas kasi ay umaasa lang tayo sa mga inaangkat nating pagkain mula sa mga dayuhan.Kung wala raw ito, hindi naman mabubuhay ang mga Pinoy.

Ang bigas, isda, asukal, karne, gulay at iba pang mga produkto ay sa ibang bansa na natin kinukuha.

Sa bansa natin na laging binabayo ng bagyo at kalamidad, parang sugal ang pagtatanim at pamumuhunan sa agrikultura.

Sabi nga, risky enterprise ito dahil sa samu’t saring problemang kinakaharap ng mga magsasaka.

Mas nagiging hamon sa kanila ang crops production dahil sa pagbabago ng panahon.

Noong 2019, iniulat na umabot sa P2.68 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura dahil sa El Niño.

Isa raw sa mga mekanismo na puwedeng makatulong sa problema ng mga magsasaka ay ang agricultural insurance na iniaalok ng estado sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC).

Ang PICC ay attached agency ng Department of Finance (DoF) na ang pangunahing mandato ay magkaroon ng insurance protection sa mga magsasaka laban sa natural na kalamidad, plant diseases at pest infestations na pumepeste o umaatake sa kanilang palay, mais, at iba pang crops.

Sa pag-aaral naman ng isang grupo mula sa World Bank’s Disaster Risk Financing and Insurance Program, lumalabas na sa kabila ng mabilis na pagdami ng subsidies na natatanggap ng PCIC mula sa national government ay kakaunting bahagdan lang daw ng mga magsasaka ang nakikinabang o nararating nito.

Ayon kay Disaster Risk Finance and Insurance Program (DRFIP) Senior Financial Sector Specialist Benedikt Signer, ang agri insurance ng PCIC ay waring hindi raw nakatutok kung paano maipaparamdam sa mga taxpayer na bumabalik sa kanila ang ibinabayad nilang buwis.

Para sa ilang eksperto, mahalaga ring mag-explore ang gobyerno sa pakikipag-ugnayan sa ilang organisasyon tulad ng International Fund for Agricultural Development.

Nakasanayan na natin ang pag-aangkat ng pagkain sa labas ng bansa.

Marami nang presidente ang nagdaan pero hindi nagkaroon ng pagsisikap na palakasin ang ani.

Sa ganitong paraan, hindi na sana tayo nakadepende sa importasyon.

Ito marahil ang dahilan kaya napababayaan na natin ang sarili nating produksiyon.

Bukod dito, malawak ang karagatan ng Pilipinas kaya nakapagtataka kung bakit kailangan pang umangkat ng galunggong.

Huwag naman sana tayo umabot sa puntong pati asin ay aangkatin na rin.

Kapag nangyari iyon, lalong kahiya-hiya tayo at malamang ay may ireguralidad na.

Kung susuportaan naman nang buong-buo ang mga magsasaka, aba’y tiyak na makakamit natin ang atnig minimithing dami o sapat na ani.

Sa palagay ko, iyan ang isa sa mga puwedeng paraan para hindi na tayo umangkat pa.

Huwag nang magdalawang-isip na suportahan ang mga magsasaka na kung maaari sana ay sa lahat na ng aspeto.