Upang higit na maengganyo ang mga kabataan at magkaroon ng mga bagong magsasaka sa bansa, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nararapat na bigyan ng sariling lupa ang mga nagtapos sa mga kurso na may kaugnayan sa agrikultura.
Sinabi ito ng Pangulo nitong Huwebes sa pamamahagi ng certificates of land ownership award (CLOA) sa 1,217 agrarian reform beneficiaries sa Coron, Palawan.
Ayon sa Pangulo, lubhang kailangan ng bansa ng mga bagong henerasyon ng mga magsasaka para lubos na mapa-unlad ang sektor ng agrikultura.
“Kailangan natin ng mga magsasaka. Kayat kasama po sa charter ng Agrarian Reform Program na lahat ng mga kabataan na dumaan at naging estudyante na dumaan sa kurso ng agrikultura ay mabibigyan din ng lupa upang yung kanilang natutunan ay mayroon silang paglalagyan, mayroon silang magagamit na lupa para magamit naman nila ang bagong natutunan tungkol sa agrikultura,” sabi pa ni Marcos.
Aminado ito na marami sa mga kabataan ngayon ang hindi alam ang kahalagahan ng agrikultura sa kaunlaran ng bansa.