DAPAT pagtuunan ng kaukulang atensyon ng administrasyong Duterte ang pagsusulong sa kapakanan ng agrikultura at imprastraktura ng bansa kung seryoso ito sa layuning labanan ang matinding kahirapan partikular sa mga kanayunan.
Ayon kay Senador Sonny Angara, mayorya ng pinakamahihirap na Filipino ay naninirahan sa mga lalawigan na ang tanging pinagkakakitaan ay maliliit na sakahan.
“Kailangang buhusan sila ng tulong ng gobyerno kung talagang sinsero ito na labanan kung ‘di man tuluyang mabura ang kahirapan. Dapat ay gumawa na tayo ng kaukulang hakbang upang isalba ang mga kababayan natin sa mga kanayunan mula sa gutom at labis na kahirapan,” ayon kay Angara, muling tumatakbong senador sa ilalim ng platapormang Alagang Angara.
Nakatakdang daluhan ngayon ng senador ang pulong ng Farmers and Fisherfolk Congress, isa sa mga aktibidad na kanyang pupuntahan sa Panaad sa Negros Festival ng Bacolod City.
Ani Angara, nangangailangan ng mas malaking budget ang agriculture sector upang mas mapalakas nito ang suporta para sa mga magsasaka, tulad ng mas maayos na sistema ng irigasyon, post-harvest facilities at iba pang farm subsidies na makatutulong sa kanila sa produksyon ng sapat na pagkain para sa buong populasyon.
“Kailangang buhusan ng tulong at suporta ng pamahalaan ang mga nasa sektor ng agrikultura hindi lamang para masiguro ang sapat na suplay ng pagkain para sa lumalaki nating populasyon, kundi para na rin matulungan silang makaahon sa matinding kahirapan at kagutuman,” anang senador.
Mababatid na ilang taon na ngayong nakatatanggap ng napakaliit na pondo ang Department of Agriculture (DA) na katumbas lamang ng 2 porsyento ng kabuuang pambansang budget.
Para sa mga taong 2017 at 2018, ang DA budget ay itinala lamang sa P45 bilyon at P55 bilyon ayon sa pagkakasunod. Ngayong taon, P49 bilyon lamang ang inilaang budget ng gobyerno sa ahensya mula sa kabuang P3.7 trilyong national budget na tanging lagda na lamang ni Pangulong Duterte ang kailangan para tuluyan itong maisabatas.
“Kung matutugunan ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka, makasisiguro tayong lalaki ang kanilang kita at magkakaroon tayo ng sapat na suplay ng pagkain,” pagliliwanag ni Angara.
Aniya pa, malaki ang potensyal ng sektor ng agrikultura na makatulong sa paglikha ng maraming trabaho at sa pagpapalakas ng mga komunidad kung mabibigyan lamang ito ng sapat na pondo.
Base sa isinagawang survey ng Philippine Statistics Authority o PSA nitong Enero, 1.7 milyong trabaho ang nawala sa agrikultura at ang pangunahing dahilan na nakikita rito ng mga kinauukulan ay ang pagbagsak ng aktuwal na bilang ng mga empleyado sa pagbubukas ng taon.
Lumalabas sa naturang survey na bumaba ng 0.9 percent ang total registered employment nitong Enero o nangangahulugang 387,000 workers ang nawalan ng trabaho.
Naniniwala si Angara na dahil sa napakaliit na support services ng gobyerno sa mga magsasaka, mas lalong naghirap ang kanilang sektor, dahilan upang mas kaunting bilang lamang ang nagkakainteres na gawing propesyon ang pagsasaka.
Sa kasalukuyan, ayon sa PSA, 9.158 milyong indibidwal ang nasa empleyo ng agriculture sector na tumatanggap ng arawang sahod na P265.
Base naman sa mga record, sa paglipas ng mga taon, patuloy sa pagbaba ang kontribusyon ng agriculture sector sa pagpapalakas ng gross domestic product ng bansa.
Mula 1998 hanggang 2009, 13-14 porsyento lamang ang naiambag ng sektor sa GDP na tuluyang bumagsak sa 10 porsyento noong 2017. VICKY CERVALES
Comments are closed.