AGRIKULTURA SA LUNGSOD

FRANICS TOLENTINO

SA GITNA ng patuloy na paghahanap ng solus­yon sa patuloy na tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, kabilang ang bigas, gulay at isda, ang konsepto ng urban agriculture ay tila isang alternatibong makatutulong upang mapigilan ang paglala ng krisis na nagpapahirap sa bulsa ng ating mga kababayan.

Hindi lamang ito makatutulong sa pagtugon natin sa nakaambang kakulangan sa pagkain.  Isa rin itong paraan upang makapag-ambag tayo sa pagbabawas ng greenhouse gases at pagharap sa hamon ng global warming.

Ang urban agriculture ay tumutukoy sa pagtatanim, pagproseso at pamamahagi ng pagkain sa loob ng pansari­ling komunidad, bayan o lungsod upang matugunan ang pangangaila­ngan ng mga mamamayan dito.  Ang urban farming ay ginagawa upang: (1) matugunan ang panga­ngailangan sa pagkain ng komunidad; (2) makatulong sa pagpapanatili ng kalikasan; at (3) upang masiguro ang kasapatan ng suplay ng pagkain sa isang lugar at mapatatag ang presyo nito sa kalakalan.

Kalimitang ginagamit ang mga reusable urban waste sa urban agriculture bilang mga pataba sa halaman kung kaya sa mga nakaraang taon, naging mabilis ang pagtaas ng popularidad ng nasabing paraan ng pagtatanim sa mga mauunlad na siyudad at bansa sa buong mundo. Kabilang sa mga komunidad na nagpapatupad ng urban agriculture ang Queensland sa Australia, Cairo sa Egypt, Havana sa Cuba, Mumbai sa India, Bangkok sa Thailand, sa Estados Unidos, United Kingdom, Canada, Israel at Argentina.

Noong panahon ng aking paglilingkod bilang MMDA chairman, naipatupad ko ang paglalagay ng mga halaman sa mga piling lugar sa EDSA. Tinatawag na vertical gardening, layunin ng aking programang ito na makatulong ang mga halaman sa pagbabawas ng polusyon sa hangin na dulot ng usok mula sa mga sinunog na langis ng mga sasakyan.

Kabilang sa mga benepisyong maaaring anihin mula sa pagpapatupad ng urban agriculture ang mga sumusunod: (1) pagkakaroon ng kasiguruhan sa mga produktong mabibili sa merkado; (2) mas mababang presyo ng mga bilihin sapagkat bawas na rin ang gastusin sa transportasyon , pag-iimbak at paghahawak ng mga produkto; (3) pagbabawas ng polusyon sa hangin sa tulong ng mga halamang tanim; (4) pagbabawas ng mga ba­sura sa komunidad na ginagawang pataba sa mga halaman; (5) nakapagpapabuti ng kalidad ng kapaligiran at ng buhay ng mga siyudad; at (6) makatutulong sa pagpapababa ng malnutrisyon at kagutuman sa mga lungsod sa pamamagitan ng pamamahagi ng masustansiyang pagkain sa mga mahihirap na kasapi ng pamayanan.

Madaling maisakatupuran at mas matipid na alternatibo sa kinakaharap nating sitwasyon sa kasalukuyan ang urban agriculture. Tila pumupukol tayo ng isang bato subalit nakahahagip ng dalawa o higit pang ibon, ayon nga sa kasabihan. Hindi lamang sinasagot ng urban agriculture ang suliranin sa pagkain.  Maging ang problema natin sa polusyon, sa basura, sa bumababang kalidad ng kapaligiran sa mga umuunlad na rehiyon, at ang pandaigdigang isyu ng global warming ay nahahagip ng urban agriculture.

Napapanahon na marahil na mapag-ukulan ng pansin ang pagpapakilala at pagpapaunawa sa konseptong ito sa ating mga kababayan bilang isang mabisang paraan ng pangangalaga sa kalusugan, sa komunidad, sa kapaligiran at sa kaunlaran ng bayan.