IGINIIT ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang kanyang panawagan sa Department of Agriculture (DA) na pag-ibayuhin ang suporta sa sektor ng agrikultura, sa pamamagitan ng pagbibigay kabuhayan, food security at ang panunumbalik ng ekonomiya sa mga countryside.
“Lalo na sa panahon ngayon na apektado ng krisis ang ating ekonomiya, ‘back to basics’ po tayo. Nakita natin ngayon kung gaano kahalaga ang agrikultura sa ating bansa at sa ating kabuhayan,” ani Go.
“Mabilis pong maibabalik ang sigla ng ating ekonomiya kung palalakasin natin ang sektor ng agrikultura sa ating mga probinsya,” dagdag pa nito.
Kasabay nito, iginiit ng senador sa DA na tumulong sa Bayanihan 2 program para palakasin ang sektor pang-agrikultura ng bansa katulad ng pagbibigay ng mga agricultural training at ang pagpapalakas ng mga programa para mai-promote ang agri-preneurship.
“Marami pong nawalan ng trabaho at kabuhayan dahil sa krisis. Kung uuwi po sila sa kanilang probinsya, bigyan po dapat sila ng oportunidad pang-livelihood na akma sa kanilang lugar at karamihan po ng ating probinsya ay agriculture-driven ang lokal na ekonomiya,” paliwanag ni Go.
Kasabay nito, inihayag ni Go ang kanyang suporta sa panukalang 2021 budget ng DA habang pinapurihan nito ang ahensya dahil sa mabilis nitong tugon sa mga pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda sa panahon ng pandemya.
Idinagdag pa ni Go na sinusuportahan niya ang pondo ng DA para masiguro ang mga pagkain sa mga hapag kainan ng mga Filipino lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Nanawagan naman ang senador sa ahensiya na ayusin at siguruhin ang paggasta sa kanilang pondo. “Kailangan unahin po natin ang pinakamahihirap na magsasaka. ‘Wag po natin silang hayaang magutom. Bigyan po natin sila ng lahat ng kailangan nila para makabangon muli,” ayon kay Go.
Comments are closed.