AHENSIYA NG GOBYERNO NAGKAISA PARA TULUNGAN ANG MGA MAGSASAKA

Magsasaka

MAGTUTULONG-TULONG ang mga ahensiya ng gobyerno para suportahan ang mga magsasaka na hindi makakapagtanim ng palay ngayong parating na dry season dahil hindi pa naaabot ng Pantabangan Dam ang targeted water elevation.

Ipinakita sa records mula sa Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (UPRIIS) na ang Pantabangan Dam ay naka-pagrekord lamang ng 212 meters bilang pinakamataas na elevation laban sa 217-meter target ng ahensiya sa katapusan ng panahon ng tag-ulan.

Dahil sa development na ito, sinabi ni  Rosalinda Bote, UPRIIS department manager na kailangang hindi maisama ng UPRIIS ang ilang 6,000 ektarya ng lupa sa kanilang extension areas sa ilang bukirin ng Nueva Ecija at Tarlac, lalo na ang bayan ng Anao para sa kanilang nakaprogramang lugar ngayong panahon ng tag-init.

Sa ilalim ng programa, magbibigay ang UPRIIS ng guaranteed supply ng irrigation water sa 128,014.53 ektarya ng taniman ng palay sa Nueva Ecija, Pampanga at Bulacan.

Pero siniguro ni Bote, na ang mga magsasaka sa mga apektadong lugar ay hindi maiiwan ng walang suporta ng gob­yerno.

“Para ‘dun sa hindi mapapatubigan, hiningi namin ang assistance ng Department of Agriculture,” sabi niya.

Magbibigay ang DA, ayon sa kanya, ng binhi para sa mga mataas na klaseng pananim. Higit pa rito, magbibigay rin ng tulong ang Philippine Crop Insurance Corporation at Land Bank of the Philippines  kung kinakailangan.

Samantala, ang National Water Resources Board ay nag-alok ng cloud seeding operation sa Pantaba­ngan Dam.      PNA

Comments are closed.