SA ISANG palihan kamakailan ay nagwika ng ganito ang isang graphic designer na kalahok sa naturang pulong:
“Naapektuhan nang husto ang kita ko at trabaho ko dahil sa mga free-to-use graphic design tools na naglalabasan ngayon. Mas pinipili ng mga kliyenteng gumamit ng mga libreng app na ganito kaysa mag-hire ng mga artist na kagaya ko.”
Hindi na bago ang mga ganitong karanasan. Kung titingnan natin ang kasaysayan, mapapansin nating kaakibat na talaga ng mga pagbabago sa teknolohiya ang pagkagambala sa sektor ng paggawa.
Mula sa pagkakadiskubre ng steam power at koryente hanggang sa panahon ng mga computer at internet, iisa ang napapansin nating kalakaran—nababawasan ang hanapbuhay. Tunay nga na may kakabit na hirap o pasakit ang pag-unlad.
Kaya naman nagtatanong ang marami: Kukunin ba ng AI ang trabaho ko? Ano bang career o trabaho ang ligtas sa negatibong epekto ng mga pagbabagong ito sa teknolohiya? Mababawasan nga ba ang mga hanapbuhay dahil sa Chat-gpt (at ibang katulad na produkto)? Paano ko poprotektahan ang aking hanapbuhay? May katuturan ang mga tanong na ito, at napapanahon din dahil sa nararanasang krisis pang-ekonomiya sa maraming bansa sa mundo.
Ang malinaw lang, narito na ang AI at mabilis ang pag-unlad nito. Mas mabuting harapin natin ang katotohanang ito at pag-aralan habang maaga kung paano tayo aabante kasabay nito.
Ang payo ng mga tech expert para sa mga manggagawa ay huwag magpahuli sa balita at impormasyon upang manatiling nangunguna. Mahalaga nga kasi ang paghahanda. Kung lubos nating nauunawaan ang mga posibilidad at mga pagbabagong maaaring idulot nito sa ating buhay, mas maaga tayong makakagawa ng mabuting plano.
Maipoposisyon natin ang ating sarili upang ‘di tayo mapag-iwanan.
(Itutuloy)