ANG Iglesia Ni Cristo (INC) ay muling nagsagawa kamakailan ng matagumpay na Kabayan Ko, Kapatid Ko aid and assistance event sa Queen City of the South na ginanap sa Cebu Coliseum nitong Enero 12, 2019.
Ang Kabayan Ko, Kapatid Ko program ay pangunahing inisyatibo ni INC Executive Minister Brother Eduardo V. Manalo, na naglalayong mapabuti at positibong makaapekto sa buhay ng mga kapwa miyembro at hindi miyembro ng INC sa pamamagitan ng mas malawak na paghahatid ng tulong.
“Ang Kabayan Ko, Kapatid Ko ay isa sa pangunahing proyekto na isinusulong ni Executive Minister Manalo para sa bagong dekada. Ito’y paraan ng pagbabalik ng INC sa lokal na komunidad upang maipakita nito ang tuwirang pakikipag-ugnayan at kahandaang tumugon ng INC,” ayon kay Glicerio B. Santos Jr., INC General Auditor.
Tinatayang 15,000 ‘goody’ bags at 15,000 food packs ang naipamahagi. Ang bags ay naglalaman ng apat na kilong bigas at mga de lata.
“Sino pa nga ba ang tutulong sa mga nangangailangan nating kababayan kundi tayo tayo rin?” sabi ni Santos.
Pinasinayaan ni Cebu City Mayor Edgardo Labella ang naturang kaganapan.
Noong nakaraang linggo, mahigit 65,000 katao ang dumalo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan para sa muling paglulunsad ng Kabayan Ko, Kapatid Ko sa pagsisimula ng bagong dekada.
Sinabi ni Santos na ang naturang record-breaking Philippine Arena event ay dinagsa ng mga kaanib mula sa iba’t ibang distrito – anim mula sa Metro Manila, tatlo mula sa Bulacan, at tatlo rin mula sa Pampanga, ngunit binigyang-diin na “tayo ay nagbigay rin ng pantay na pagtingin at atensiyon sa kapwa miyembro at hindi miyembro ng INC dahil bawat isa ay nararapat na makatanggap ng ayuda at tulong pangkabuhayan, lalo na sa simula ng bagong taon.”
Sabay-sabay ring nagsagawa ng Kabayan Ko, Kapatid Ko events ang INC sa mahigit 200 mga lugar sa 156 na bansang sumasaklaw sa anim na kontinente noong ika-5 ng Enero.
Ang Iglesia Ni Cristo ay pinakahuling nagkaloob ng tulong sa maraming mga lugar sa Mindanao pagkatapos ng sunod-sunod na mapaminsalang lindol na tumama rito noong huling bahagi ng 2019.
Ang kahanay na aktibidad na tinaguriang Aid to Humanity ay nakapagbigay ng benepisyo sa tinatayang 300,000 katao sa 220 sites sa lahat ng lugar sa Hilagang Amerika, Europa, Asya, Gitnang Silangan at Africa.
“Gaya ng aming binanggit noong muling inilunsad natin ang Kabayan Ko, Kapatid Ko, ipinangangaral ni Executive Minister Manalo ang kahalagahan ng pag-aalay ng espirituwal na pagpapagaling at pagbibigay ng materyal na tulong sa mga nangangailangan. ‘Yan ang aral o paniniwala na kanyang itinakda sa Iglesia, at ang malinaw na direksiyong ito ang aming kasalukuyang sinusunod,” pagbibigay-diin ni Santos.
Inihayag pa ng INC General Auditor na mas marami pang aid activities silang gagawin ngayong taon sa Filipinas at sa ibang bansa.
“Hangad naming palakasin ito, at ang Kabayan Ko, Kapatid Ko ay mas magiging malaki habang tinatahak natin ang landas ng pagtulong sa kapwa,” dagdag pa niya.