AIR PHIL FRANCHISE RENEWAL MAKATUTULONG SA PAGLAGO NG TURISMO

POSITIBO si Senadora Grace Poe na malaking tulong sa paglago ng sektor ng transportasyon at turismo ang renewal ng prangkisa ng Air Philippines Corp.

Makatutulong din, aniya, ito sa pagsalag sa negatibong epekto ng mga hakbangin sa ginagawang corporate rehabilitation sa Estados Unidos sangkot ang sister company nitong Philippine Airlines (PAL).

“Naging napakahirap ng dalawang taong lumipas para sa mga airline dahil sa pagiging grounded nila sa mahabang panahon nang walang kinikita,” ayon kay Poe.

Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill No. 10442 na nagbibigay sa Air Philippines Corp. ng prangkisa para makalipad muli ng 25 taon.

“Sa buong mundo, ang aviation sector ang isa sa higit na tinamaan ng umiiral na pandemya. Kailangang gawin natin ang nararapat para matulungan ang industriyang nag-eempleyo ng libo-libong Pilipino,” ayon kay Poe, chairperson ng Senate public services committee at sponsor ng naturang panukalang batas.

Sa ilalim ng PAL Holdings Inc., nag-ooperate ang Air Philippines Corp. bilang PAL Express at siyang ikatlong pinakamalaking airline sa bansa. Mayroon itong 770 empleyado at sinusuportahan ang 1,600 trabaho sa mga kahalintulad na industriya.

Pangunahing sineserbisyuhan nito ang mga secondary gateway at sinusuportahan ang mga paliparan sa Clark at Kalibo.

Sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga pasahero ng 70 porsiyento nitong 2020, nagawa ng Air Philippines na manatili ang operasyon sa gitna ng pagkalagas ng 32 porsiyento ng mga manggagawa nito.

Patuloy na tumutulong ang Air Philippines Corp. sa pagpapauwi sa libo-libong overseas Filipino workers at mga locally stranded individual, at naghahatid ng mga personal protective equipment sa mga probinsya sa gitna ng pandemya.

“Sa franchise renewal ng Air Philippines, naisakatuparan na ng lehislatibo ang dapat nitong gawin para muli itong matayog na makalipad at maibalik ang mga tauhang nawala, gayundin lumikha ng mga bagong trabaho,” dagdag ni Poe. VICKY CERVALES