NAGLUNSAD na ng air strike ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilang target areas sa Sulu kaugnay sa all out war na inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Ajang-Ajang group na affiliated sa Abu Sayyaf Group (ASG) na sinasabing responsable sa dalawang pagsabog sa Our Lady of Mount Carmel noong Linggo ng umaga na kumitil ng 21 katao.
Kahapon kinumpirma ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana ang nasabing military action laban sa ASG.
“(Yes), we did airstrikes yesterday (Tuesday). (I’m) not sure if there are (any) now,” ani Sec Lorenzana.
Ayon sa kalihim ang inilunsad na air sorties ay tugon ng militar sa isinagawang twin bomb attack sa Our lady of Mt Carmel Cathedral sa Walled City, Jolo na kumitil ng 21 katao lima rito ay mga sundalo.
“(I) don’t know how many sorties (were conducted),” anang DND chief.
Ayon sa ulat naglunsad ng airstrikes ang military laban sa ASG sa bayan ng Patikul at Indanan sa Sulu, bilang pagtalima rin ng AFP sa utos ni pangulong Duterte na “crushed them” (ASG).
Kaugnay nito inihayag ni Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng Western Mindanao Command na kasalukuyan pa nilang inaantabayan ang resulta ng nasabing military strike.
“Iyong all-out war po natin versus the terrorist group Abu Sayyaf, tuloy-tuloy po iyan.” “Ang kautusan po kasi ng ating Presidente, ay pulbusin tal-aga ang mga Abu Sayyaf,” ani Col. Gerry Besana.
Samantala inamin ng militar na natakasan sila ng itinuturong suspek sa twin blasts na si alyas Kamah nang salakayin nila ang pinagtataguan nito subalit napatay naman nila ang isang kasamahan na si Ommal Osup.
Nakuha sa raid ang kalibre .45 pistol, sniper scope, dalawang cellphone at isang motorsiklo.
Si Kamah ay ang kapatid ng napaslang na si Abu Sayyaf leader Surakah Ingog. Ni-raid ang bahay ni alyas Kamah sa Barangay Latih, Patikul Sulu Martes ng tanghali.
4 PERSONS OF INTEREST SUMUKO
Lumutang sa Joint Inter Agency Task Force sa Sulu ang apat indibidwal na nahagip sa CCTV footage noong mga oras na nagaganap ang pagsabog sa nasabing simbahan.
Kinumpirma ito ni 11th Infantry Division at Joint Task Force Sulu Commander BGen. Rey Divino Pabayo.
Aniya, nais umanong linisin ng unang mga sumuko na sina Alshaber Arbe at Gerry Isnajil ang kanilang pangalan na tinukoy na mga persons of interest dahil sa pagsabog.
Pasado alas-3 ng hapon, kahapon ay sumuko ang dalawa pa na sina Alsimar Mohammed Albi at alyas Julius, 17-anyos, na pawang kinapayam ng ng Joint Interagency Task Force na binubuo ng AFP, PNP at NBI.
Hindi naman umano pakakawalan ang apat hanggat hindi sila cleared sa kaso.
Nilinaw rin ni Pabayo na wala sa tatlong indibidwal sa lumabas na video si alyas “Kamah” ang kapatid ng napatay na lider ng bandidong Abu Sayyaf. VERLIN RUIZ/REA SARMIENTO
Comments are closed.