AIRASIA GUSTONG IPATANGGAL ANG TRAVEL TAX SA CLARK PARA MAKAAKIT NG PASAHERO

HINILING ng AirAsia sa gobyerno na alisin ang travel taxes at magbigay ng insentibo sa mga Pinoy na gustong lumipad mula sa Clark para makatulong sa pagluwag ng main airport sa Maynila, ayon sa kompanya kamakailan.

Sinabi pa ng Southeast Asian carrier na ili­lipat nito ang kanilang main office sa Clark, dating American military base na ngayon ay ginawa ng industrial hub sa Norte.

“We are requesting for the removal of travel tax for Filipinos. Hopefully, we can do that in Clark first para naman maakit sila to fly from Clark,” pahayag ng AirAsia Philippines President na si Dexter Comendador sa isang panayam.

Kinakailangan ng Pinoy na magbayad ng travel tax na P1,600 tuwing lalabas ng bansa.

Sinabi ni Comendador na ang airline ay umaasa sa proyekto ng gobyerno na “Build, Build, Build” para mas maging kaengga-engganyo ang paglipad mula sa Clark sa mga biyahero.

“There are prerequisites to that which is the connector roads, mass transit system. So it’s [dependent on] how fast the govern-ment can build,” sabi niya.

Nais ng AirAsia na gawin sa Clark ang low-cost carrier hub ng bansa para ang mga budget airlines ay hindi na kaila­ngan pang pumila sa ibang international carriers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), dagdag pa ni Comendador.

Noong nagdaang buwan, nagpanukala ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng terminal reassignments para sa 26 carriers sa NAIA para lumuwag ang main airport ng bansa.

Noong 2015, may 150 hanggang  200 flights ang naaantala araw-araw sa NAIA, sabi ng airport officials. Nagsisilbi ang NAIA ng tinatayang 7.5 milyong pasahero taon-taon kung saan ang kapasidad nito ay umaabot lamang sa 5.5 milyon.

Intensiyon din ng AirAsia na gawing main hub ang Clark sa loob ng 5 taon ngayon magdadagdag sila ng fleet size na 72 mula sa 22 sa loob ng isang dekada.

“If I add 50 planes, where can I put them in Manila?” paliwanag niya, sabay diin na nagkakaproblema na sila sa pag­hahanap ng espasyo para sa kanilang 22 eroplano sa siyudad.

Plano rin ng airline na mag-develop ng airports  Panglao, Puerto Princesa at Davao bilang secondary hubs, dagdag pa niya.

Comments are closed.