AIRCON ROOM NG CUNETA ASTRODOME NASUNOG

NASUNOG ang ilang bahagi ng Cuneta Astrodome sa Pasay City kahapon ng umaga kung saan dating isinasagawa ang paglalaro ng mga koponan ng Philippine Basketball Association (PBA).

Base sa report ng Pasay City Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa air-conditioning room ng Cuneta Astrodome na matatagpuan sa Derham Park corner Roxas Boulevard, Pasay City dakong alas-8:18 ng umaga.

Ang nasabing lugar ay ginagamit na vaccination site para sa 500 kabataan na nasa 12 hanggang 17-anyos kung kaya’t maagang binuksan ng mga kawani ang air-conditioning unit para pagpasok ng mga kabataan ay malamig na.

Bago pa man magsimula ang baksinasyon ay nakaamoy na ng nasusunog na bagay ang mga kawani at nadiskubre na nasusunog ang air-conditioning room ng Cuneta Astrodome.

Ayon sa BFP, wala namang naiulat na nasaktan na agad naapula ang sunog na umabot lamang sa unang alarma dakong alas-10:32 ng umaga.

Samantala, sinabi ni Pasay City Health Office (CHO) vaccine coordinator Dr. Grace Noble na ang 500 doses ng Pfizer vaccines ay agad na nailigtas sa sunog. MARIVIC FERNANDEZ