AIRPORTS PA MORE!

Transportation-Sec-Arthur-Tugade

KAILANGAN nang madaliin ang pagpapagawa ng mga dagdag na paliparan sa bansa para masolusyunan ang overload sa Ninoy Aquino International Airport, ayon kay Department of Transportation Sec.Arthur Tugade.

Ginawa ni Tugade ang pahayag sa kanyang pagdalo kamakalawa sa Senate hearing patungkol sa aksidente ng Xiamen Airways sa NAIA kung saan binigyang-diin niya na isa sa mga isyu ng pali­paran ay ang decongestion.

Sa kanyang opening statement, sinabi ni Tugade na “inulan na po kami ng mga rekomendasyon – mula sa mga eksperto, politiko at mga ordinaryong mamamayan patungkol sa decongestion ng NAIA.”

“Tinitiyak ko po sa inyo na ang mga suhestiyon ninyo ay ginagawa na natin bago pa man ang insidente.”

Inilatag ni Tugade ang mga programang ginawa ng DOTr at ng ahensiyang may sakop sa airport, ang Manila International Airport Authority o MIAA, tulad ng pagbibigay prayoridad sa commercial flights versus general aviation, pagpapatupad ng 5-minute rule sa runway, pagdagdag sa Rapid Exit Taxiways,  paggamit sa Clark International Airport at pag-improve sa mga pasilidad ng NAIA.

“Ilan lang po ‘yan sa mga polisiya na ipinatupad natin para ma-decongest ang NAIA. Dahil din sa improvement of facilities, pag-aayos ng schedule of flights, pagtanggal sa laglag bala, hindi na po worst airport ang NAIA. Ngayon, ito ay ‘Most Improved’ pa,” ani Tugade.

 DAGDAG PALIPARAN

Bukod sa mga nabanggit na programa sa mismong NAIA, binanggit din ni Tugade ang direksiyon ng gob­yerno na magtayo ng mga bagong paliparan.

Sabi ni Tugade, “Isa rin po sa madalas sabihin nitong mga nakaraang linggo ay dapat daw na may iba pang airport, at hindi lamang NAIA at Clark. Tama po ‘yan at naniniwala po ako diyan.

Sa totoo lamang ho, umuusad na po ang mga ‘yan.”

Inilatag ni Tugade ang mga panukala na kanilang pinoproseso ngayon, kabilang na ang makabagong paliparan sa Bulacan at Ca­vite at pag-improve sa mga existing provincial airports katulad sa Bohol, Bicol, Davao, Zamboanga, Bukidnon at Siargao.

“Sabi nila, bilisan. Nais ko hong  i-klaro sa inyo – alam na alam ito ng mga taong nakapaligid sa akin – ayaw na ayaw ko ho ang mabagal at makupad. Ginagawa po natin ang lahat upang mapabilis ang implementasyon ng mga proyekto ngunit alalahanin ho natin na kinakailangan din naming sumunod sa tamang proseso, at ang mga prosesong ito ay hindi naman natatapos sa isa o dalawang araw lamang,” sabi pa ng DOTr chief.

“Matagal na pong sinasabi ang airport complementation strategy na ito. Ito po ‘yung multiple airports approach. Ilang dekada na pong sinasabi ‘yan at matagal na dapat nagawa. Pero sa mga dahilang hindi po namin alam, hindi ho ‘yan nangyari. Pero tayo po, gagawin at ginagawa po natin yan.”

Sa parte ng mga senador na dumalo sa hearing, isa si Senador  Ralph Recto sa mga nagsabi na kaila­ngan nang madaliin ng gob­yerno ang paggawa ng mga bagong airport.

“I firmly suggest that government decide immediately, gawin ang NAIA, Bulacan… hindi bukas, ngayon na. Tutal naman wala namang government guarantee at least sa Bulacan,” sabi ng senador.

Binanggit ni Recto na sagad na sa capacity ang NAIA sa passenger volume dahil nagdoble na ito mula 20.4 million noong 2007 at umabot na 42 million noong isang taon, at lagpas-lagpas na sa kanyang capacity na 31 million passengers.

“Kung ‘yan nga ang totoo, then we are past peak capacity. And with no alternative being built, then we are pushing NAIA beyond its limit to the inconvenience and danger of passengers,” diin ni Recto.

Comments are closed.