AJIDO, MOJDEH SIBLINGS NANGUNA SA MOS AWARDEE NG PAI NATIONAL CHAMPIONSHIPS

PINANGUNAHAN nina Asian junior record holder Jamesray Mishael Ajido at magkapatid na Mohammad at Jasper Mojdeh ang talaan ng mga itinanghal na Most Outstanding Swimmer (MOS) awardee ng 1st Philippine Aquatics, Inc (PAI) National Age Group Championships nitong Linggo sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Maynila.

Si Ajido, 15, markado sa 12-14 category 100m butterfly (55.98) sa Asian junior meet, ay dinomina ang boys’ 15 Class A 100-m backstroke at 50-m freestyle, sa naitalang 1:02.44 at 24.87 segundo, ayon sa pagkakasunod, upang makumpleto ang dominasyon sa kanyang dibisyon sa torneo na  nagsilbing launching pad para sa national ranking system ng PAI at itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at Speedo.

Tinalo ng beteranong internationalist sina John Jeremy Villanueva ng Pasig City Club (1:05.87) at Vince De Leon ng Ilustre East (1:09.23) bago pinataob  ang kanyang mga karibal na sina Matt Nerison ng Elizabeth Seton (26.32) at Elijah Ebayan ng South Warriors ( 26.53) sa freestyle duel.

Sa kanyang ikatlong event na  200m fly, tila nadama ng estudyante ng La Salle ang paninigas ng kanyang kanang balikat na nagbigay-daan para agawin ni Rodevic Gonzalvo ng Green Blasters ang tagumpay mula sa nangungunang manlalangoy ng FTW Royals sa oras na 2:12. 44. Tumapos si Ajido sa pangalawa sa 2:19.03, habang si Ashton Clyde Jose ang nakakuha ng bronze sa 2:26.35.

“Hindi naman po matindi, may kaunting pain pero tolerable naman po, no excuses. Talagang mas malakas lang si Rodevic sa turn hindi ko na kinayang abutan,” sabi ni Ajido, na nagpapagaling pa mula sa shoulder injury na kanyang tinamo sa ASEAN Schools tryouts.

Sa kabila nito, inangkin niya ang MOS award  na may anim na ginto at isang pilak. Nangibabaw rin siya sa 50-m backstroke (28.50), 100-m freestyle (53.97), 100-m butterfly (56.23), at 200-m freestyle (2:00.42).

Samantala, nakopo ng magkapatid na Mojdeh ang kani-kanilang parangal sa MOS, sa nakamit na tig-dalawang gintong medalya upang tuluyang sundan ang yapak ng nakatatandang kapatid na si  Michaela Jasmine sa torneo na nagsisilbing pampagana para sa National tryouts sa susunod na buwan.

Idinagdag ni Mohammad, 13, isang Grade 7 student sa Immaculate Heart of Mary College of Paranaque ang boys’ 13 Class A 100m back (1:11.63) at 200-m fly sa kanyang gold medal collection, habang ang nakababatang si Mickael ay nakakuha ng ginto sa boys’ 9 Class A 100-m  back (1;23.90) at 50-m free (35.31).

 Inangkin din ni Mohammad ang ginto sa boys’ 13 Class A 100-m backstroke (1;16.49), 100-m fly (1:05.41), at 400-m Individual Medley, habang si Jasper ang nanguna sa boys’  9 Class B 50- m dibdib (51.45), 100-, fly (1:34.70), 50-m fly (38.60), 100-m free (1:16.94) at 200-m free (2:45.76).

Gumagawa rin ng malakas na final day performances sina Pia Severina Magat ng Sharkpeedo, Nicola Diamante ng RSS Dolphins, Miska Sy, Elisa Janna de Kam, Kyla Bulaga, Ezra Avery Advincula, Clinton Hu, at Camille Buico.

Si Magat, ang 7-year-old wonder,  ay lumangoy ng ginto sa 50-m free (55.79), si Sy ang nanguna sa girls’ 17-over 100m back (1:07.77), si Diamante ay nanalo sa 100m back 13 Class A (1:13.74), dinomina ni De Kam ang Class B (1:20.45), Advincula sa 8 Class A 100m pabalik (2:08.43), Buico sa 17-over 200-m fly (2:25.98), Bulaga sa 14 Class A 300m fly (2: 30.80) at Hu, ang pinakabatang kalahok sa 5 taong gulang sa 50-m freestyle (1:20.41).

CLYDE MARIANO