CAPAS, Tarlac — Gumawa ng kasaysayan si Jamesray Michael Ajido sa continental swimming competition. At nagawa niya ang impresibong performance sa harap ng nagbubunying pamilya at mga kababayan.
Nasungkit ng 14-anyos mula sa Antipolo City ang kauna-unahang gintong medalya para sa Pilipinas sa Asian Age Group Championships sa ika-11 edisyon ng torneo noong Miyerkoles ng gabi sa New Clark City Aquatics Center.
Naungusan ng national junior record holder sa 13-under ang mga karibal sa boys’ 100-meter butterfly sa kahanga-hangang tiyempong 55.98 segundo, mas mabilis sa dating meet record na 56.36 na naitala ni Wang Yu Xiang ng Chinese-Taipei noing 2019.
Ginapi ng La Salle-Greenhills student at Palarong Pambansa at Batang Pinoy champion ang pambato ng Japan na si Yusei Yisiono at si Taiwanese Kan Yung Cheng, na nagkasya sa silver at bronze sa oras na 56.05 at 56.79, ayon sa pagkakasunod.
“Hindi ko ine-expect, basta ibinigay ko lang lahat ng makakaya ko. ‘Yung sigawan ng crowd saka ko na-realize na panalo ako,” pahayag ng two-time ASEAN Age-Group gold medalist.
Hindi magkamayaw ang hiyawan at kasiyahan ng kanyang temamates at coaching staff, gayundin ang crowd na kinabibilangan ng kanyang mga magulang at kamag-anak, gayundin ang pamunuan ng Philippine Aquatics, Inc (PAI) sa pangunguna ni Secretary-general at Batangas 1st District Congressman Eric Buhain na nagtungo sa Tarlac para suportahan ang batang kampeon.
“Pambawi ito, dahil sa first chance ko sa medalya, bronze lang nakuha ko,” aniya, patungkol sa napagwagiang bronze medal sa boys’ 50m freestyle sa ikalawang araw ng kompetisyon.
Ikinalugod ni Buhain ang naging kampanya ng Team Philippines sa ikatlong araw ng kompetisyon, higit sa naibigay na kasaysayan ni Ajido sa Philippine swimming.
Bukod sa bronze medal ni Ajido, ipinagdiwang din ng delegasyon sa pamumuno nina head coach Rami Ilustre at PAI grassroots development director at dating Olympian Pinky Brosas, ang bronze medal nina Fil-Brit Heather White (100m butterfly) at Jasmine Mojdeh (200m butterfly) noong Martes ng gabi.
“They respond positive immediately after meeting them. Sinabon ko eh, mababa ang performance sa Day 1 eh!,” pabirong pahayag ni Brosas.
CLYDE MARIANO