Pormal na inilunsad ng House of Representatives, sa pamumuno ni Speaker Martin G. Romualdez, ang Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) Mall Tour kung saan umabot sa kabuuang P268.5 milyon ang naipamahaging ayuda sa 53,000 kwalipikadong empleyado ng mall at empleyado ng mga tenant sa apat na malalaking SM Supermalls sa Metro Manila.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang AKAP Mall Tour ay pagtugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa isang sama-samang pagkilos ng pamahalaan upang harapin ang epekto ng inflation at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan, at upang matulungan ang mga minimum wage earners, low income worker, at mga higit na nangangailangan.
“Ang AKAP ay sagot ng ating gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang mga pangangailangan. Ito ay isang malaking tulong para sa ating mga kababayang hirap na hirap na itaguyod ang kanilang mga pamilya, lalo na ang mga minimum wage earners at low-income workers,” ayon kay Romualdez.
Ang AKAP Mall Tour ay idinisenyo upang maabot ang libo-libong empleyado ng mall, mga tenant nito, at mga trabahador sa ahensya na nagtatrabaho sa pinakamalalaking shopping malls sa bansa. Sa araw ng mall tour, kabuuang 53,715 benepisyaryo mula sa SM Mall of Asia, SM Megamall, SM North Edsa, at SM Fairview ang nakatanggap ng P5,000 bawat isa.
Ayon kay Deputy Secretary General Sofonias Gabonada, ang aktibidad na ito ay hindi lamang nagkakaloob ng pinansyal na ginhawa sa mga benepisyaryo kundi tumutulong din sa pagpapasigla ng ekonomiya sa mga mall at lokal na negosyo, upang matiyak na ang tulong ay naipapaabot sa mga Pilipinong higit na nangangailangan.
Sinabi ni Gabonada na simple lamang ang proseso ng pagpaparehistro para sa mga benepisyaryo ng AKAP: ang mga kwalipikadong manggagawa ay kailangang magparehistro online sa Bagong Pilipinas platform at ipakita ang kanilang Bagong Pilipinas ID.
Idinagdag niya na may mga scanner na nakalagay sa mga entrance ng mall para tiyakin ang pagiging kwalipikado ng mga empleyado. Pagkatapos ng validation, makakatanggap sila ng notification na magbibigay ng iskedyul ng kanilang payout at iba pang mga kinakailangang dokumento.
Hanggang ngayong Martes, umabot na sa mga sumusunod na bilang ang mga nakapagpa-rehistrong benepisyaryo sa apat na kalahok na mall: 16,766 na rehistrado sa SM Mall of Asia, 13,632 sa SM North EDSA, 12,789 sa SM Megamall, at 10,528 sa SM Fairview.
Sa SM Fairview, sina Rep. Ralph Tulfo at Rep. Michael “PM” Vargas ang nag-organisa ng mga volunteer. Habang sa SM North EDSA, sina Rep. Arjo Atayde, Rep. Marvin Rillo, at Rep. Marivic Co-Pilar naman ang nagbigay ng ng mga tauhan upang tumulong sa pagpaparehistro.
Sa SM Megamall, nagtulong-tulong naman sa pagpaparehistro ang mga tanggapan nina Rep. Franz Pumaren, Rep. Roman Romulo, at Rep. Neptali Gonzales II. Sa SM Mall of Asia, aktibong nakibahagi sina Rep. Antonino Calixto at Pasay City Mayor Imelda G. Calixto-Rubiano, para matiyak ang maayos na operasyon bago ang pormal na paglulunsad ng programa.
Nagpasalamat si Speaker Romualdez sa kooperasyon ng lahat ng mga kalahok, at binigyang-diin na ang pagtutulungan ay mahalaga para sa tagumpay ng programang AKAP.