Mga laro sa Martes:
(Philsports Arena)
4 p.m. – PLDT vs Nxled
6:30 p.m. – Chery Tiggo vs Capital1
KINAPOS ang Akari sa extended first set bago kinuha ang sumunod na tatlo upang pataubin ang Galeries Tower, 28-30, 25-15, 25-16, 25-23, para sa mainit na simula sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.
Napanatili ni Grethcel Soltones, isa sa top offensive weapons ng Chargers, ang kanyang stellar play mula sa runner-up finish ng koponan sa Reinforced Conference na may 16 points, kabilang ang 2 blocks, 13 digs at 8 receptions.
Nanguna si Eli Soyud sa scoring para sa Akari na may 21 points, kabilang ang 6 blocks habang bumanat si returning Faith Nisperos, hindi naglaro noong nakaraang torneo dahil sa Alas Pilipinas commitments, ng 16-of-28 kills.
“Everything is a process talaga and I think I’m still at the point of trying to adopt. Trying to jell more into the system,” sabi ni Nisperos, na naglalaro sa unang pagkakataon sa ilalim ni Japanese coach Taka Minowa.
Umiskor din si Ivy Lacsina ng 16 points.
Nanguna si Ysa Jimenez para sa Highrisers na may 17 points at 7 digs habang nagdagdag si Jewel Encarnacion ng 11 points at 6 receptions. Nakakolekta si Galeries Tower libero Alyssa Eroa ng 13 digs at 12 receptions.
Ang pagkatalo ay sumira sa pro league debut ni Julia Coronel para sa Highrisers, na galing sa winless campaign sa Reinforced Conference. Si Coronel ay gumawa ng 9 excellent sets at umiskor ng 8 points.