AKARI SA FINALS

INANGKIN ng Akari ang unang tiket sa Premier Volleyball League Reinforced Conference Finals makaraang matakasan ang PLDT, 25-22, 18-25, 22-25, 26-24, 17-15, sa semifinals kahapon sa Mall of Asia Arena.

Nahila ng Chargers ang kanilang unbeaten run sa 10 laro sa conference, at sa wakas ay nanalo laban sa High Speed Hitters makaraang matalo sa kanilang unang limang paghaharap.

Sa debut ni coach Taka Minowa sa conference, ang Akari ay umabot sa finals sa unang pagkakataon magmula nang lumahok sa liga noong 2022.

Ang one-off final ay gaganapin bukas, alas-6 ng gabi, sa Araneta Coliseum.

Napantayan ni American Oly Okaro ang kanyang PVL career-high 39 points sa 35-of-89 spikes at 4 blocks para sa Chargers.

Ang Akari ay patungo na sa pagkatalo subalit nabuhayan matapos ang unsuccessful mid-rally challenge ng PLDT.

Ayon sa liga, ang net fault kay Ezra Madrigal ay second motion na malayo sa ball play.

Dahil dito ay naitabla ng Chargers ang laro sa 14-14.

Nanguna si Elena Samoilenko para sa High Speed Hitters na may 30 points, kabilang ang 28 kills, at 12 receptions.

Ang ika-108 attack ni Samoilenko ay dumiretso sa net, at ipinagdiwang ng Akari ang kanilang panalo.

Nagdagdag si Ivy Lacsina ng 19 points habang nag-ambag si Grethcel Soltones ng 16 points at 12 digs para sa Chargers. Gumawa si setter Kamille Cal ng 18 excellent sets habang nakakolekta si libero Dani Ravena ng 11 digs at 17 receptions.

Batid ni Soltones na kailangan ng koponan na itaas ang lebel ng kanilang laro para masungkit ang kampeonato:

“Happy and also, sabi ni coach Taka (Minowa) marami pa kaming kailangang ayusin,” sabi ni Soltones. “Actually hindi talaga namin ito i-expected na aabot kami sa semis.

“Actually ang target namin, maka-6th or 5th. Pero ayun na, hello,” dagdag pa niya.

Nagdagdag si Erika Santos ng 15 kills habang nagtalsa si Fiola Ceballos ng 14 points, 14 digs at 22 receptions para sa PLDT.