DAHIL araw ng mga puso, pag-usapan natin ang totoong puso ng tao na kadalasang nagkakaroon ng heart disease. Kasama sa mga heart diseases ang mga sumusunod: Blood vessel disease, tulad ng coronary artery disease; Iregular na pintig ng puso (arrhythmias); congenital heart defects; problema sa heart muscle at heart valve disease.
May mga klase ng heart disease na pwede namang gamutin, lalo pa at sasabayan ng healthy lifestyle. Pero aamin muna natin ang mga sintomas.
Halimbawa, sa coronary artery disease, karaniwang heart condition ito na nakaaapekto sa major blood vessels na dumadaloy sa heart muscle. Dahil sa cholesterol deposits (plaques) sa mga arteries ng puso, nagkakaroon ang tao ng coronary artery disease. Ang pagdami ng plaques ay tinatawag na atherosclerosis (ath-ur-o-skluh-ROE-sis). Pinipigilan ng atherosclerosis ang pagdaloy ng dugo sa puso at iba pang bahagi ng katawan. Dahi dito, nagsisikip ang dibdib (angina) na nagreresulta sa atake sa puso o kaya naman ay stroke.
Magkaiba ang sintomas ng coronary artery disease sa babae at lalaki. Sa lalaki, sumasakit ang dibdib. Sa babae, nahihirapang huminga, nagsusuka at madaling mapagod.
Minsan, sumasakit din ang leeg, naninigas ang panga, sumasakit ang lalamunan, pati na ang sikmura o likod. May pagkakataon ding kasabay ng sakit ay namamanhid ng ilang parte ng katawan, nanghihina, nanlalamig ang kamay at paa.
Minsan, kahit nagpatingin na sa duktor ay hindi pa rin nada-diagnose ang coronary artery disease, liban na lamang kung inatake na. minsan nga, kahit hindi heart attack – kahit simpleng pagtaas lamang ng presyon ng dugo — kung sasailalim sa masusing pagsusuri, ay malalamang may sakit pala sa puso ang isang tao.
Kung congenital heart defect naman, bata pa lamang ay alam na natin ito. Mapapansing ang mga batabg may congenital heart defect ay pale gray o maasul-asul ang kulay ng balat pati na ang mga labi (cyanosis). Namamaga rin ang kanilang mga binti, malaki ang tiyan, at kahit sanggol pa, may eyebags na. Nahihirapan ding huminga ang baby lalo na kapag dumidede, kaya payat. Kapag umiiyak, nangingitim sya.
Kung hindi masyadong grabe ang sakit sa puso, hindi ito mapapansin hanggang sa lumaki na siya.
Kung ganito ang sitwasyon, medyo napapabayaan ang sakit.
Kung ang may problema naman ay heart muscle (cardiomyopathy), sa early stages, hindi ito mapupuna. Kapag lumala na, saka pa lamang makakaramdam ng pagkahilo, pagkawala ng malay, matinding pagod kahit walang ginagawa, palaging kinakapos ang hininga lalo na sa gabi kapag matutulog na, may palpitation, at minamanas.
Kung valve problem naman (valvular heart disease), iba rin ang mga sintomas. Ang puso ay may apat na valves — the aortic, mitral, pulmonary at tricuspid valves. Bumubukas at sumasara sila para makadaloy ng maayos ang dugo sa puso. Maraming bagay na nakapipinsala sa puso. Pwedeng mabarahan sila o kumipot (stenosis), mabutas (regurgitation o insufficiency) o sumara ng hindi maayos (prolapse). Ang tawag dito ay valvular heart disease. Depende kung aling valva ang may problema, makakaramdam ang may sakit ng paninikip ng dibdib, pagkahilo (syncope), pagod, palpitation, pangangapos ng hininga, at pamamanas.
Endocarditis naman ang tawag sa impeksyong nakakaapekto sa heart valves at inner lining ng heart chambers at heart valves (endocardium). Ang sintomas ng endocarditis ay pagkakaroon ng dry cough, lagnat, palpitation, pangangapos ng hininga, skin rashes, pamamanas ng binti at tiyan, at panghihina.
Kapag mayroon na kayo ng dalawa o tatlo sa nasabing mga sintomas, kumunsulta na kayo agad sa duktor para sigurado.
Sana, malusog ang puso ninyo. Happy Valentine’s Day. NLVN