AKLAT NA “COMPENDIUM ON BASIC CUSTOMS ADMINISTRATIVE REMEDIES” INILUNSAD NG BOC

OPISYAL nang inilunsad ng Bureau of Customs (BOC) ang aklat na “Compendium on Basic Customs Administrative Remedies” na isinulat ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, Collector VI at Chief-of-Staff na si Atty. Marlon Agaceta at Legal Service Director na si Atty. Tristan Armando F. Langcay III.

Ang aklat na naglalayong pasimplehin at linawin ang mga kumplikadong batas at proseso ng customs ay isang mahalagang sanggunian para sa mga propesyunal, mga legal practitioner, negosyante at iba pang stakeholders.

Ang paglulunsad ng aklat ay ginanap nitong Oktubre 16 sa Office of the Commissioner (OCOM) Conference Room at dinaluhan ni Dr. Girlie Jacala, Pangalawang Pangulo ng Central Bookstore Inc.

Ang “Compendium on Basic Customs Administrative Remedies” ay nagbibigay ng malalim na paliwanag sa mga probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), Tariff and Customs Code of the Philippines (TCCP), international agreements and convention, Customs Administrative Orders, Customs Memorandum Orders at mga kaugnay na desisyon ng Court of Tax Appeals at Korte Suprema.

Tinalakay din dito ang mga mahahalagang isyu tungkol sa customs valuation, tariff classification, assessment at iba pang usapin sa ahensya kaya’t nagiging mahalagang gabay ito para sa mga naglalakbay sa mga kumplikadong batas ng customs.

Binigyang-diin ni Commissioner Rubio ang kahalagahan ng aklat sa pagpapalawak ng misyon ng BOC na mapalakas ang tiwala ng publiko.

“We hope this compendium not only serves as a practical guide but also inspires a culture of continuous learning and collaboration among customs professionals and stakeholders” aniya.

Ito na ang pangalawang malaking publikasyon na isinulat ng parehong grupo ng mga opisyal ng BOC kasunod ng paglabas ng “Compendium on Customs Disposal Processes” noong Pebrero 2024 na nagpapasimple sa mga proseso ng customs disposal.

Ang mga kopya ng “Compendium on Basic Customs Administrative Remedies” ay available na ngayon sa Office of the Commissioner at sa Central Bookstore kung saan inaasahan itong makararating sa mas malawak na audience ng mga legal at trade professional.

RUBEN FUENTES