LUNGSOD NG MALOLOS – Bilang pagbibigay-dangal sa ika-440 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito kamakalawa, sinabi ng Chief of Staff ng Armed of the Philippines at isang dugong Bulakenyo na si General Carlito Galvez, Jr. na kanyang ipinagmamalaki na siya ay isang Bulakenyo at nakita ang nasabing aktibidad bilang pagbabalik sa kanyang minamahal na lalawigan.
“Unang-una sa lahat, thank you for the privilege of being born as a Bulakenyo and I am happy to be back. Bilang isang anak ng Bulacan, wala nang hihigit pa sa karangalang maanyaya dito tulad ng isang anak na nasasabik na makauwi sa kanyang tahanan,” ani Galvez na dumalo kasama ang kanyang asawa, magulang at iba pang miyembro ng pamilya.
Ipinagmalaki rin niya na narating ng Bulacan ang ika-440 nitong pagkakatatag kung saan hinubog din nito ang kasaysayan ng bansa.
“Sa paglipas ng panahon at pagdaan ng mga pagsubok, ito ay nanatiling isa sa mga sandigan ng ating malayang Filipinas,” dagdag ni Galvez.
Sinabi naman ni Gobernador Wilhelmino Sy – Alvarado na mahalagang balikan ang nakaraan at binigyang-diin na ang mga alaala na iyon ay makatutulong sa mas maayos na pagharap sa kinabukasan.
“Napakahalagang muli nating lingunin ang nakaraan at patuloy na pasiklabin ang kanyang alaala kung nais nating mabunying harapin ang maningning na pagbubukang liwayway ng kinabukasan,” ani Alvarado.
Bukod dito, inilahad ni Alvarado ang mga matagumpay na proyekto na naipatupad sa kanyang administrasyon gayundin ang mga proyekto sa hinaharap para sa Bulacan. Ipinahayag din niya ang kanyang paghanga sa mga taong nagsakripisyo ng kanilang buhay upang mapalaya ang Bulacan at ang bansa.
Aniya, ang pagkakatatag ng Bulacan na dinalisay ng daang taon ng pakikibaka at pagpapagal ay hindi nakasalig sa kanyang kabantugan bilang isang pangunahing lalawigan sa Gitnang Luzon kundi dahil rin sa mga talentado nitong mamamayan.
“Ang pundasyon ng Bulacan na dinalisay ng daan taong pakikibaka at pagpapagal ay nag-uugat sa kanyang mga mamamayang nagtataglay ng mabubuting katangian, malalim na pananampalataya at masidhing pagnanasang ilapat sa bayan ang kanyang minimithing kagalingan,” anang gobernador.
Ipinaliwanag naman ng historyador na si Dr. Jaime B. Veneracion ang kasaysayan ng anibersaryo ng pagkakatatag ng Bulacan at kanyang nilinaw na magkakaroon pa ng mga pananaliksik upang mahanap ang mga tiyak na detalye at mga dokumento upang maipaliwanag nang higit ang nasabing kasaysayan.
“Nabuo na po at napagkaisahang Agosto 15, 1578 ang Foundation Day matapos ang napakaraming pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan may 20 taon na ang nakalipas. Ang petsang Agosto 15, 1578 ay produkto ng kolektibong kamalayan ng mga historyador at mga taong interesado na linawin ito. Kaya’t iniiwan muna natin ang paksa sa mga nais pang ungkatin ito, at mahanap ang mas tiyak na mga dokumentong makatotohanan,” paliwanag ni Veneracion. A. BORLONGAN
Comments are closed.