SA MGA ganitong panahon ng tag-ulan, isa sa mga hindi maiiwasang problema sa ating bansa ay ang pagbaha. Dahil sa lakas ng ulan at walang tigil na pagbuhos nito, may mga lugar na lubog na sa baha. Samantalang may ilang lugar naman na kaunting pag-ulan lang ay nariyan na ang baha.
Perwisyo para sa marami sa atin ang pagbaha lalo na at naaapektuhan nito ang ating trabaho. Kung minsan din ay nasisira ang ating kasangkapan, maging kabuhayan sa walang tigil na pagpatak ng ulan. Ngunit mainis man tayo, wala ring magagawa dahil isa itong pangyayaring hindi natin maiiwasan. Ang magagawa na lang natin ay ang mag-ingat nang hindi magkasakit sa walang tigil na pag-ulan.
Kapag ganitong tag-ulan, hindi natin maiiwasan ang lusungin ito para makauwi galing sa trabaho o kung sa eskuwela man, min-san hindi na natin naiisip ang puwedeng maging epekto nito sa atin.
Noong kasagsagan ng bagyong Ondoy taong 2012, maraming lugar sa Maynila ang binaha na nagdulot sa maraming kaso ng leptospirosis.
Noong taon ding iyon naalarma ang ating mga sarili sa posibleng maging epekto sa atin ng simpleng paglusong sa baha.
Isa sa mga lumaganap na bilin noon sa atin tuwing may baha ay huwag lulusong lalo na kung may sugat sa paa. Ito ay dahil sa puwedeng maimpeksiyon ang sugat na maaaring magresulta sa leptospirosis.
DAPAT MALAMAN SA LEPTOSPIROSIS
Ang leptospirosis ay ang malubhang pagkakaimpeksiyon dahil sa leptospira bacteria. Ang leptospira bacteria ay madalas na nata-tagpuan sa bato ng daga na inilalabas nito tuwing umiihi.
Matagal ang buhay ng nasabing bacteria na puwedeng manirahan sa nakontaminang tubig o lupa ng ilang linggo o buwan.
Lingid sa kaalaman ng nakararami, hindi lang sa sugat sa paa o binti maaaring pumasok ang ganitong bacteria, kapag napasukan ng kontaminadong tubig o lupa ang bibig, mata, o ilong ay maaaring magkaroon ng leptospirosis. Posibleng makahawa sa tao ang bacteria kapag; pinasuso ang bata at ang ina ay infected ng bacteria o kung isa sa mag-asawa ay may leptospirosis maaaring mapasa ang bacteria sa pakikipagtalik.
Karaniwang ang mga pinaiinom sa mga may leptospirosis ay penicillin at doxycycline na mga antibiotics kung ito ay hindi pa ga-noon kalala. At kung ang dugo at internal organs ay apektado na, kakailanganing manatili at masuri sa ospital.
DAPAT GAWIN PARA MAKAIWAS SA LEPTOSPIROSIS
Hindi man maiiwasan ang paglusong sa baha, may mga hakbang naman tayong puwedeng gawin para makaiwas sa posibleng kontaminado ng leptospirosis.
Una, piliting huwag lumusong sa sobrang duming baha, dahil alam naman natin lahat ng baha ay marumi. Kung napapansin nating masyado na itong marumi at hindi na ligtas ang paglusong, magdalawang isip na. Maaaring maghintay muna at pahupain ang baha bago maglakad o umuwi.
Pangalawa, huwag sumuong sa baha nang walang proteksiyon gaya ng bota lalo na kung may sugat sa paa o binti. Kaya naman, sa tuwing lalabas ng bahay, magdala ng bota nang maprotektahan ang sarili. Sa ngayon, napakaraming bota ang maaaring mabili sa pamilihan na abot-kaya lang sa bulsa. Hindi ka rin naman mahihiyang magsuot nito sapagkat marami ring design at kulay ang bota na swak sa paningin ng kahit na sino.
Panghuli, kung hindi maiiwasan ang paglusong sa baha at talagang kailangang-kailangan, maghugas at sabunin ang sarili pagkauwi sa inyong tahanan.
Gumamit ng antibacterial soap nang mawala ang duming kumapit sa katawan.
SINTOMAS NG LEPTOSPIROSIS
At kung sa kasamaang palad ay inabutan ka ng malakas na ulan at bumaha sa iyong pag-uwi at hindi mo naalalang may sugat ka, ayun na. Narito ang ilang mga sintomas ng leptospirosis kung sa tingin mo ay infected ka ng bacteria:
– Lagnat
– Pag-ubo
– Panginginig
– Sakit ng ulo
– Pagkahapo
– Pagkahilo at pagsusuka
– Pagtatae
– Pagkawala ng ganang kumain
– Pamamantal ng balat
– Pamumula ng mga mata
– Pagsakit ng mga kalamnan lalo na sa hita at likod
Kapag ang sintomas na nabanggit ay naramdaman matapos lumusong ng baha pagkalipas ng 4 na araw o lagpas pa, huwag nang mag-atubiling magpatingin sa doktor.
Hindi lamang tao ang puwedeng maging apektado ng bacteria na ito. Maaaring ang mga alagang hayop gaya ng aso, kalabaw at baboy ay mapasahan din.
Tumataas na ang bilang ng nagkakaroon ng naturang sakit. Gayunpaman, may mga bakuna na para sa mga hayop laban sa lepto-spirosis.
May mga pagkakataon sa ating buhay na hindi natin maiiwasan gaya ng paglusong sa baha. Pero hindi ibig sabihin ay hindi na tayo mag-iingat para maiwasan ang pagkakasakit.
Ngayong panahon ng tag-ulan at tiyak ang pagbaha sa mga daanan, importanteng alam natin ang mga bagay na dapat gawin at iiwa-san. Umaksyion para may proteksiyon! LYKA NAVARROSA
Comments are closed.