NABABAHALA ang Philippine Charity Sweepstakes Office dahil muling nagsulputan sa iba’t ibang lugar sa bansa, partikular sa lalawigan ng Cebu, ang mga iligalista sa sugal ‘tulad ng Peryahan ng Bayan, jueteng, masiao, at Small Town Lottery bookies.
Ayon sa ulat na nakarating sa isang mataas na opisyal ng PCSO, sari-saring gimik ang ginagamit ng mga iligalista upang mamayagpag ang kanilang raket gaya ng pagpapakita ng walang-bisang temporary restraning order galing sa hukuman, illegal na mayor’s permit, panunuhol sa mga lokal na politiko at pulis hanggang sa pagkaladkad ng mga malinis na pangalan ng mga heneral.
“Maging ang walang kamalay-malay na si PNP Chief Albayalde ay ginagamit ng mga iligalista sa Cebu na pang-sindak sa lokal na kapulisan… kaya talamak ngayon ang kanilang Peryahan ng Bayan, masiao at STL bookies sa maraming munisipyo maliban sa mga lungsod ng Cebu at Mandaue,” pahayag ng isang opisyal ng NBI sa Region 7.
Ibinunyag ng nasabing NBI official ang mga nagpakilalang kubrador umano ng Peryahan ng Bayan at masiao bookies na lantarang isinasagawa ang kanilang iligal na pagpapataya at pananabotahesa lehitimong operasyon ng Small Town Lottery Authorized Agent Corporation na tanging siyang awtorisado ng gobyerno.
Ayon sa nagsumbong na opisyal, ang iligal na operasyon ng Peryahan ng Bayan ay lantaran din umanong pinoprotektahan ng ilang alkalde sa lalawigan ng Cebu na sinasadyang hindi kilalanin ang prangkisang ibinigay ng PCSO sa kanyang awtorisadong STL operator sa dahilang tumatanggap umano ng intelihensiya o “protection money” mula sa iligalista ang ilang tiwaling opisyal ng bayan.
“May ilang meyor dito sa aming probinsiya na talagang makapal pa ang mukhang nag-isyu ng business permit sa ilegal na Peryahan ng Bayan, pero plano na rin namin siyang kasuhan ng graft at paglabag sa ethical standard bilang punong bayan,” pahayag pa ng nagsumbong na opisyal ng NBI.
Sa kaugnay na balita, nanawagan naman si PCSO director Sandra Cam sa liderato ng kapulisan na agarang aksiyunan ang sumbong ng authorized agent corporations ng Small Town Lottery laban sa ilegal na operasyon ng jueteng at bookies sa maraming lugar sa bansa.
Binanggit ni Cam ang maraming sulat-reklamo mula sa kanilang mga AAC na lantarang kinokompetensiyang mga iligalista ang lehitimong palaro ng STL na siyang dahilan sa pagbaba ng benta ng loteryang lokal na puwede ring makaapekto sa remittance ng mga ito sa gobyerno.
Isang halimbawa, ayon kay Cam, ang pamamayagpag ng umano’y iligal na operasyon ng Peryahan ng Bayan sa buong lalawigan ng Cebu na lantarang kinakanlong ng lokal na pulisya at ng maraming tiwaling opisyales ng bayan.
“Nakikiusap ako kay Gen. Albayalde na kanyang aksiyunan ang mga reklamo ng aming mga AAC, partikular ang iligal na pagpapataya ng Peryahan ng Bayan sa dahilang pati ang kanyang malinis na pangalan ay sinasadyang dungisan ng mga iligalista sa Cebu… ginagamit ng mga sira-ulong kubrador ng ilegal na sugal ang pangalan ng walang kamalay-malay na PNP chief bilang panindak sa local police operatives,” pahayag ni Cam.
Paliwanag ni Cam: “Ang Peryahan ng Bayan ay matagal nang pinatigil ng PCSO sa kanyang expiremental, o test run sa maraming lalawigan sa bansa, kasama ang Cebu, sa dahilang lumabag ito sa maraming probisyon ng kasunduan.”
“Nag-apela ito sa korte para hindi ipinatupad ang PCSO resolution noong Pebrero 2016 na nagpuputol sa kanilang permiso, pero ibinasura ng hukuman sa Pasig ang kanilang hirit… kaya malinaw na ang kanilang ginagawang pagpapataya sa alinmang panig ng bansa ay ilegal at walang pahintulot sa gobyerno,” pagtatapos na paliwanag ni Cam.
Comments are closed.