PATULOY ang pagbibigay ni Quezon City First District Representative Arjo Atayde ng mga oportunidad sa negosyo sa mga residente ng Distrito Uno sa pamamagitan ng Aksiyon Pangkabuhayan na makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
“Tuloy-tuloy ang pagbibigay natin ng tulong at oportunidad para sa mga taga-Distrito Uno sa pamamagitan nitong Aksyon Pangkabuhayan Showcase,” ayon kay Atayde, vice chairperson ng micro, small and medium enterprise development committee.
Ito ay matapos muli niyang ilunsad ang programa na magbibigay ng pangkabuhayan showcase sa mga piling residente ng Distrito Uno.
“Ito ay isa sa mga paraan upang matulungan natin silang mabigyan ng kinakailangang kapital para masimulan ang kanilang negosyo, at mabigyan sila ng pagkakataong umunlad at makapag-ambag sa lokal na ekonomiya,” dagdag pa ng mambabatas.
Mula noong 2022, nakapagbigay na si Atayde ng ilang Aksyon Food Cart Pangkabuhayan sa mga karapat-dapat na residente ng District 1, kabilang dito ang pedicab at mga gamit para makapagsimula ng kanilang negosyo.
Nangako siya na patuloy na magsusulong ng batas para matulungan ang MSMEs, at tiniyak na magkakaroon sila ng sapat na tulong at training programs.
Binigyang-diin din ni Atayde ang mahalagang papel ng maliliit na negosyante at sinabi na isa ang mga ito sa nagpapatakbo ng ekonomiya.