ISANG napakagandang batas na naiakda, naipasa at soon to be law that will protect and take care of our workmen sa mga barkong naglalayag sa buong mundo.
Opo dear readers, very smooth na naipasa, nailusot sa Senado ang panukalang batas ni Sen. Raffy Tulfo, ito ang Magna Carta for Filipino Seafarers.
Matagal nang natabunan ng alikabok ang panukalang batas na ito sa Kongreso, pero sa plenary debate sa Senado, matagumpay na naipaliwanag ni Sen. Tulfo ang mga tanong na kontra o panig sa Magna Carta ng ating Pinoy seafarers.
Magna, sa ating wika, kahulugan nito ay mataas, matayog, dakila.
Carta. Charter. Batas o talaan ng mga karapatang politikal at makatao na ipinasusunod sa lahat, patungkol sa kagalingan, proteksiyon ng isang partkular na pangkat o grupo.
Hindi lang proteksiyon at karapatan ang nakapaloob sa Magna Carta of Filipino Seafarers, nakalista rin dito ang pananagutan, tungkulin at parusa sa sino mang lalabag sa karapatang pantao at politikal ng ating Pinoy manlalayag.
Kaya ang pitak na ito, at ibang kapwa Pinoy na siguradong may kaanak na seafarer ay nagpapasalamat sa landmark legislation na ito — na matagumpay na naipasa — ng idol ng bayan na si Sen. Tulfo.
Sa kainitan kasi ng 2022 election campaign, isa sa hiniling ng ating Pinoy mariners ang tulong ni Idol Raffy sa kanyang “Wanted sa Radyo” na maaksyonan ang maraming karaingan, pang-aapi na nararanasan sa pagbabarko.
Mababang pasahod, maayos na serbisyong medikal, at iba pang benepisyo ang naipagkakait sa kanila.
At ang mabagal na pagkakaloob ng mga compensation o ganansiya kung maipanalo ang kanilang mga kaso na iniharap laban sa kanilang employer.
Ipinangako ni Idol Raffy, kung siya ay maging senador, isa sa unang panukalang nais niyang maisampa at mapagtibay ay ito ngang Magna Carta for Filipino Seafarers.
Sa Magna Carta ng Pinoy seafarers, masasagot ang mga karaingang ito at mabibigyan pa ang ating kababayang manlalayag ng mga training, seminars na lalong magpapasigla at magpapatanyag sa galing ng ating seafarer, ayon sa hinihingi ng International Labor standards.
Kaya ngayon, lalong sisigla ang mahigit sa 500 milyong Pinoy mariners na naka-deploy sa mga barko na pag-aari ng iba’t ibang bansa, at madaragdagan na ang kanilang mga sahod at benepisyo sa oras na maging ganap na batas sa sandaling ito ay malagdaan ni Presidente Ferdinabd ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Aksyong Tulfo sa Senado, totoo, sigurado sa kapakanan ng mamamayang Pilipino!
o0o
Paki-kastigo naman Hon. Prosecutor General Benedicto Malcontento ang isang piskal n’yo riyan sa Batangas City, Sir. Ano kaya ang naging aksiyon na ng City Chief Prosecutor ng Batangas sa kanyang tao –na obvious, sobrang umabuso sa tungkulin at kapangyarihan.
Kasi, feeling boss ang piskal na ito, ipinaaresto sa mga pulis ang dalawang hardinero ng Eternal Gardens nang paghinalaang may kagagawan sa pagkawala ng lapida sa puntod ng kanyang tatay.
Ni hindi binigyan ng due process ang dalawang dinakip, kinasuhan agad ng piskal, hindi na hinintay pang makapagharap ng counter-affidavit sa kasong theft o pagnanakaw at ito namang mga pulis na tulongges, sumunod sa utos ni boss piskal.
Tulongges ang mga pulis kasi, sa inquest proceeding, they violated the constitutional rights of the two gardeners nang wala man lang nag-assist na counsel na sila ang pumili, grabe naman po ito, Hon. Malcontento, National Prosecution Service General.
Tatlong araw nakulong sina @Mariz at @Arnel na nakalaya na, matapos mapiyansahan ng management ng Eternal Gardens ng halagang P6,000 bawat isa.
Itinyempo ang warrantless arrest araw ng Sabado (Okt. 14) para hindi agad makagawa ng paraan si Atty. Christian Castillo, abogado ng Eternal Gardens, kasi, off duty ang may hawak ng kaso.
Itong piskal na ito ay unprofessional at batay sa pangyayari, kahit law freshman student, alam na ang ginawa nito ay abuse of authority.
Imbes na siya ang unang sumunod sa prinsipyo ng due process of law, inilagay sa sariling kamay ang batas — at ito ay nakasisira ng tiwala ng taumbayan sa katapatan, kawalang kinikilingang mata ng batas at hustisya sa ating bansa.
At may pagkatuso ang piskal, kasama ang tulongges na pulis — itinapat sa araw ng Sabado na sarado ang lahat ng opisina ng gobyerno at wala o off duty ang inquest fiscal na dapat mag-imbestiga sa kasong theft na iniharap laban sa dalawang hardinero.
At ano ang ebidensiya na magpapatunay na “ninakaw” ng dalawang gardener ang kuno ay lapida sa nitso ng tatay ng piskal?
Dahil nawala raw, ayon sa paratang ng piskal, ang dalawang tagalinis na ang siguradong ‘magnanakaw” at bakit nanakawin — para maibenta at pagkaperahan?
Walang motibo ang dalawang akusado, at sino ang testigo na nakita na ninakaw nga ng dalawa ang lapida ng yumaong tatay ni piskal: wala, basta naisip lang, bunga ng pagkadismaya, pagkagalit, nagdemanda na, at agad inutusan arestuhin kahit walang mandamyento de arresto.
Kundi ito abuse of authority, kundi ito pagpapakita ng walang paggalang sa batas, kundi ito pag-abuso sa kapangyarihan, e ano ang maitatawag po natin dito, Prosecutor General Malcontento?
Mapanganib sa serbisyo publiko ang ganitong piskal at kundi makakastigo o mabibigyan ng disiplina, ipalalagay niya na tama, walang mali ang kanyang ginawa at wag sanang mangyari, uulitin, gagawin ang pag-abuso sa kapangyarihan, at kaawa-awa ang mga pobreng gardener o karaniwang tao kung malasin na kainisan o mapagtripan ng piskal na ito.
Ano na po ang ginawang aksiyon ng chief city prosecutor ng Batangas City?
Mantsa sa malinis na reputasyon ng inyong opisina at ahensiya ang ginawi ng inyong bossing na piskal?
Enabler ba kayo o, kunsintidor — na hindi natin, siyempre, pinaniniwalaan.
Alam natin, si Prosecutor General Hon. Malcontento ay hindi makukuntento lamang sa verbal warning o simpleng pagsuspinde sa masamang inugali ng piskal na ito.
Public office is a public trust, at bilang public servant ang lahat ng taong gobyerno, kasama ang mga prosecutor, pulis at iba pa, interes ng publiko, katarungang parehas ang pinakamataas na tungkuling dapat na maipagkaloob sa bayan.
Mabuti ring patingnan ang mental state ng piskal, baka naman may matinding problemang hinaharap o may dinadamdam kaya makabubuting patingnan, ipasuri at kung may karamdamang pisikal o kaisipan, ipagamot, at ating ipagmalasakit na mapagaling.
Katinuan sa isip ang kailangan sa piskalya sa isang tagausig at opisyal ng hukuman na kamay ng pamahalaan sa paglalapat ng katarungan.
Paano kung pingkaw, o kung pilantod ang galaw ng isang taong gobyerno, paano siya makapaglilingkod nang matapat, nang parehas, nang walang pansariling interes sa paghatol ng walang kinikilingang hustisya?
Pakiusap ng Eternal Gardens, imbestigahan, suriin ang ikinilos ng piskal na ito.
Mahirap na may puwing sa mata ang National Prosecution Service, kasi magiging duling o pisak ang paghatol — na hindi gustong mangyari ni Prosecutor Gen. Malcontento.
Kapag nalaman ito ni Honorable Justice Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ay patay kayo, kasi, ayaw na ayaw niya ng mga abusadong tao sa piskalya.
Kaya kilos na po kayo diyan sa Batangas City Prosecutor’s Office, your Honors please.
o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].