AKTIBIDAD LABAN SA DROGA MATAGUMPAY

Emma M. Libunao

BULACAN – NAGING matagumpay ang patakbong may temang “”Sama-samang takbo ng kapulisan at mamamayan kontra droga at terorismo” na inisyatibo ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) at isang hindi pangkompetisyong takbuhan na nagsimula at nagtapos sa Don Cayetano Gym sa Barangay Wawa, Balagtas kamakalawa ng umaga.

Muling pinangunahan ng marathoner at running lady cop na si P/Col. Emma M. Libunao, Acting Provincial Director ng BPPO ,ang 5-kilometrong takbuhan na dinaluhan ng halos lahat ng Chief of Police mula sa tatlong lungsod at 21 bayan sa Bulacan at kanilang mga tauhan ang lingguhang takbuhang ito na inisyatibo ng opisyal para sa kanilang kampanya kontra droga at terorismo at ito ay sinuportahan ng mga mamamayang Balagtaseno.

Nang maupo si P/Col. Libunao bilang Acting Provincial Director ng Bulacan-PNP ay sinimulan niya ang lingguhang takbuhang ito sa Malolos City, sumunod sa bayan ng San Miguel at Balagtas at iikutin ng patakbong ito ang buong Bulacan na naglalayong magkaroon ng malusog at masiglang pangangatawan ang mga kapulisan upang maipatupad nila nang maayos ang sinumpaang tungkulin.

Pagkatapos ng takbuhan sa kahabaan ng MacArthur Highway sa bayan ng Balagtas na may sabay-sabay na pacing at dinaluhan ng Municipal Advisory Council (MAC) at mga mamamayan mula sa siyam na barangay at daan-daang kapulisan ay nagkaroon naman ng zumba at dito ay nagpamahagi ng sertipikasyon at premyo ang Bulacan-PNP at si Ba­lagtas Municipal Mayor Eladio Gonzales Jr na sumusuporta sa kampanyang ito ng kapulisan.

Sinabi ni Mayor Gonzales na full support siya sa giyera ng kapulisan laban sa droga at terorismo kung saan malapit nang maging drug free municipality ang bayan ng Balagtas bunga nang maigting na kampanya ni P/Major Ronnie Pascua, Balagtas police chief at maging ang Konseho ng Balagtas sa pa­ngunguna ni Vice Mayor Ariel Valderama ay sumusuporta din sa kampanya kontra droga. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.