AKTIBIDAD SA SEMANA SANTA KANSELADO

NAPAGKASUNDUAN ng mga 17 mayor na bumubuo ng Metro Manila Council (MMC) na suspindihin ang lahat ng aktibidad sa darating na Mahal na Araw dahil sa pgatas ng bilang ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay MMC chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, ang pagsasagawa ng prusisyon at ang tinatawag na “Salubong” ay hindi na muna papayagan habang ginugunita ang Mahal na Araw upang maiwasan ang mass ga­therings.

Sinabi ni Olivarez na ang metro mayors ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa mga simbahan upang ipaalam sa mga ito na ang papayagan lamang na tanggapin ng bawat simbahan sa mga mananam­palataya ay hanggang 50% lamang ng kanilang kapasidad ng upuaan.

Gayundin, hindi rin papayagan ng MMC ang nakatayong mga deboto sa paligid ng mga simbahan kahit sabihing malaki naman ang kanilang lugar para maka-accommodate ng mas maraming pang deboto.

Idinagdag pa ni Olivarez na ang MMC ay susunod sa mga guideline na inilatag ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa paggunita ng Mahal na Araw upang maiwasan ang transmisyon ng CO­VID-19.

Sa pagsasailalim naman ng Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ) o modified enhanced community quarantine (MECQ), sinabi ni Olivarez na isasailalim lamang ng Metro Manila mayors ang implementasyon ng isolated lockdown sa barangays, sitios, establishments at kabahayan.

“Hindi natin pwede isakripisyo ang buong siyudad. Pwede naman na isailalim sa isolated or granular lockdown ang isang barangay lang dahil kailang natin na maka-recover sa ating ekonomiya,” ani Olivarez.

Sa huling datos nitong Huwebes ng COVID-19 update sa lungsod ng Pa­rañaque, sinabi ni Olivarez na nakapagtala sila ng 93 bagong kaso na may kabuuang 725 aktibong kaso ng virus kabilang ang mga walang tirahan at hindi alam kung anong barangay.

Sa kautusan din ni Olivarez ay nagpalagay ang alkalde ng limang boundary checks sa buong lungsod upang makontrol ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod lalo na sa Barangay Baclaran kung saan may 95 kaso ng virus na nasa boundary ng lungsod ng Pasay. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.