IPINATUPAD kahapon ng lokal na pamahalaan ng Makati ang implementasyon ng traffic re-routing scheme na nagsimula ng Abril 5 hanggang Abril 7 upang bigyang daan ang mga isasagawang aktibidad sa Semana Santa na gaganapin sa lungsod.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang implementasyon sa pagsasagawa ng traffic re-routing scheme ay bahagi ng preparasyon ng Public Safety Department (PSD) para sa gaganaping prusisyon sa Barangay Poblacion sa darating na April 7 ng ala-6 ng gabi.
Narito ang traffic re-routing plan ng PSD na ipatutupad ng mula alas-4 ng hapon:
Ø Sa kahabaan ng Kalayaan Avenue patungong Maynila – Kumanan sa Nicanor Garcia St. (Reposo St.), kaliwa sa Sen. Gil Puyat Avenue, dumiretso sa Buendia-Kalayaan Flyover sa EDSA para sa mga behikulo na patungong Pasig, Taguig, at Cubao o dili kaya ay kumanan sa EDSA para naman sa mga patungong direksyon ng Pasay at Paranaque.
Ø Para sa mga motoristang dadaan sa J.P Rizal Avenue patungong EDSA, kumaliwa sa Estrella St., kumanan sa EDSA, lumiko ng kanan sa Sen. Gil Puyat Avenue, muling kumanan sa Nicanor Garcia St. (Reposo St.), at pagkatapos ay dumiretso sa J.P Rizal Avenue at kung patungo naman ang mga motorista sa A.P. Reyes Avenue o Delpan St. Drivers sa kahabaan ng Gil Puyat Avenue ay maaaring dumiretso gamit ang Osmeña Highway patungong Pasay City.
Ang mga PSD traffic enforcers ang nagmamando ng trapiko malapit sa Makati-Mandaluyong Bridge habang isinasagawa ang prusisyon.
Asahan ang isa o higit pang oras ng pagkaantala dahil ipatutupad ang implementasyon ng stop-and-go scheme sa nabanggit na lugar.
Bukod pa sa nabanggit na traffic re-routing, ipagpapaliban din ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng number coding scheme sa darating na Abril 6, 7, at 10 para sa paggugunita ng Huwebes Santo, Biyernes Santo, at selebrasyon ng Araw ng Kagitingan. MARIVIC FERNANDEZ