HINIMOK ng isang high ranking official ng Kamara ang mga pribadong kompanya na patuloy na magpaabot ng kanilang tulong at maging aktibong katuwang ng pamahalaan lalo sa layuning maisalba mula sa mabigat na hamong kinakaharap ang mga mamamayang Filipino gaya na lamang ng nararanasan ngayon na COVID-19 pandemic.
Ayon kay Deputy Speaker at Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian, hindi matatawaran at lubos na pinapupurihan ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, sa pangunguna ni Speaker Lord Allan Velasco, ang malaking kontribusyon ng private sector sa pagtugon sa malaking problemang dala ng pandemya.
“We cannot thank you enough for all that you have donated—from PPE for our frontliners to basic necessities and financial aid —for those affected by the prolonged lockdown. May we continue to count on all of you until this pandemic is over,” mariing pahayag pa ng kongresista.
Ani Gatchalian, sa iniakda niyang House Bill No. 6137, na nauna nang pumasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso subalit nakabimbin pa sa Senado, ang pagkakaroon ng aktibong Corporate Social Responsibilty (CSR) program ng private companies, gaya ng pagsasagawa ng disaster relief and assistance, social welfare at mga proyektong may kinalaman sa charity, socialized housing, youth development at iba pa ay may kaakibat na kaukulang pagkilala at gantimpala mula sa pamahalaan.
Paliwanag ng Deputy Speaker for Trade and Industry, upang maengganyo ang mga pribadong kompanya na palawakin ang kani-kanilang CRS campaigns, nakapaloob sa HB 6137 ang pagpapahintulot sa lahat ng stock corporations na panatilihin ang kanilang surplus profits, partikular ang sumobra sa 100 porsiyento ng capital stock nito para magamit na pondo sa kanilang CRS projects/programs na inaprubahan ng kani-kanilang Board of Directors.
Bukod dito, sinabi ni Gatchalian na inaatasan din sa naturang panukalang batas ang Department of Trade and Industry (DTI) na magbigay ng opisyal na pagkilala at kaukulang pabuya sa business establishments na may “outstanding, innovative and world-class CSR-related services, projects and programs.”
Gayundin, ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan, kasama na ang local government units (LGUs), partikular sa lugar kung saan gagawin ang CRS program, ay dapat magkaroon ng ibayong pagsuporta gaya ng pagboboluntaryo ng kanilang mga tauhan at kagamitan sa kompanyang nasa likod nito.
Samantala, pinasalamatan naman ng Valenzuela City lawmaker ang Palasyo ng Malakanyang sa pagbasura sa kontrobersiyal na draft order na nagbabawal sa private companies na gumagawa at nagbebenta ng ‘sin products’ gaya ng sigarilyo, alak at milk formula na bumili ng sarili nilang bakuna laban sa COVID-19.
“While we recognize that these companies manufacture products that may cause potential health risks to the public, this should not be cause for them not to be able to take care of their employees. We should be thanking them for their initiative to protect their employees from COVID-19 instead of discriminating against them,” pagbibigay-diin ni Gatchalian. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.