KASUNOD ng panibagong insidente ng pambu-bully ng China sa Pilipinas ay tiniyak ng US State Department ang physical presence ng US forces sa rehiyon.
Ito ang tiniyak ni US State Department Assistant Secretary for East Asian and Pacific Affairs Daniel Kritenbrink kasunod ng kanyang pahayag na ginagamitan ng “coercion to intimidate partners” ng China matapos ang ginawang dangerous maneuvers at paggamit ng water cannon.
“The United States continues through our own operations to be physically present, in the region on a daily basis, and we continue to fly, sail, and operate, everywhere that international law allows, demonstrating thereby that all countries share those same rights,” ani Kritenbrink.
Unang inihayag ni Pangulong Marcos Jr. na hindi niya igigiit ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Amerika bunsod ng panibagong insidente sa West Philippine Sea.
“I do not think that it is the time or the reason to invoke the Mutual Defense Treaty. However, we continue to view with great alarm this continuing dangerous maneuvers and dangerous actions that are being done against our seamen, our Coast Guard,”anang Pangulong Marcos.
“So our goal, again, is to promote peace and stability, security and prosperity, promote, respect for international law, peaceful resolution of disputes, but also ensure that countries have their own ability to protect their sovereignty and their own interests,” sabi pa ng State Department.
Inakusahan naman ng Tsina ang Estados Unidos na ginagamit na pion (pawn) ang Pilipinas bilang kolateral sa South China Sea, habang ang labanan sa pagitan ng dalawang Asian nations ay tumataas dahil sa territorial dispute sa rehiyon.
“China urges the United States not to use the Philippines as a pawn to stir up trouble in the South China Sea,” pahayag ni China foreign ministry spokeswoman Mao Ning matapos na magpahayag ng pagkondena ang US sa umanoy “provocative” action ng China.
“The Philippines should not let itself be at the mercy of the United States,” ani Mao Ning.
Nauna rito, ipinatawag ng Maynila ang kinatawan ng Tsina matapos na sabihin nito na ang China Coast Guard vessels ang naging dahilan ng dalawang banggaan sa mga barko ng Pilipinas at pagbomba ng tubig sa isa sa mga ito habang nagsasagawa ng resupply mission.
Ayon sa China, ito’y “took control measures” laban sa “illegal intrusion” ng mga barko ng Pilipinas sa pinag-aagawang katubigan, at akusahan ang barko ng Pilipinas na “intentionally” ay binunggo ang isang barko ng Tsina. VERLIN RUIZ