IPINALILIPAT na sa Makati City Jail ang isang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) na akusado sa nadiskubreng mega shabu laboratory sa Catanduanes.
Iniutos na ng Makati City Regional Trial Court (RTC) na mailipat sa Makati City Jail mula sa Virac District Jail si dating NBI Anti-Illegal Drugs Unit Chief Atty. Eric Isidoro.
Ang kautusan ay inisyu ng mababang korte matapos na pagbigyan ng Korte Suprema ang kahilingan ng Department of Justice (DOJ) na mailipat ang paglilitis sa kaso sa Metro Manila, partikular na sa Makati City RTC, mula sa Virac Regional Trial Court.
Ang commitment order ay pirmado ni Acting Presiding Judge Selma Palacio-Alaras ng Makati RTC Branch 63.
Si Isidoro na may ranggong Director I sa NBI ay ang may-ari ng property sa Virac kung saan nadiskubre ng pulisya ang isang “mega shabu laboratory” noong 2016.
Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa umano’y pakikipagsabwatan sa paggawa ng ilegal na droga.
Una nang hiniling sa Korte Suprema ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na mailipat sa Metro Manila ang pagdinig sa nasabing drug cases matapos itong magduda sa partiality o pagiging patas ng hukom.
Nobyembre 2016 nang matuklasan ang nasabing mega shabu laboratory sa Virac kasabay ng pagkakasamsam sa raid ng 22.509 kilos ng shabu, at 359 kilos ng ephedrine at iba pang kemikal. TERESA TAVARES
Comments are closed.