“AKYAT-BAHAY” MEMBER ARESTADO SA CALOOCAN

magnanakaw

ISANG umano’y miyembro ng “Akyat-Bahay” gang ang arestado ng mga pulis matapos pasukin at pagnakawan ang bahay ng kalugar sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores ang suspek na si Gerald Bartolome, 18, welder ng Malaya St. Pangarap Village, Brgy-181.

Ayon kay Caloocan Police Deputy Chief for Administration PLTCOL Ferdie Del Rosario, unang pinasok ng suspek ang bahay ni Lorna Mercolesa, 43-anyos at Sheryl Ramilo, 26-anyos, kapwa residente ng No. 1025 Malaya St., Brgy.181, Pangarap Village sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana na sapilitan nitong sinira.

Nang nasa loob na ang suspek, kinuha nito ang dalawang cellphone na pagmamay-ari ni Lorna na nagkakahalaga sa P4,900 at tatlong cellphone, Portable DVD, silver na kuwentas na aabot lahat sa P6,950 ang halaga at P1,800 cash na pagmamay-ari naman ni Sheryl.

Matapos nito, tumakas ang suspek habang humingi naman ng tulong ang mga biktima kina PCpl Akkim Espanol at PCpl Michael Badiango ng PCP-4 na nagresulta sa pagka-kaaresto kay Bartolome alas-5 ng madaling araw.

Sasampahan ang naarestong suspek ng kasong robbery sa Caloocan City Prosecutor’s Office. VICK TANES

Comments are closed.