AKYAT-BAHAY TUMBA SA PULIS

patay

CAVITE – BULAGTA ang itinuturing na notoryus na akyat-bahay at holdaper makaraang kumasa sa mga operatiba ng pulisya sa bahagi ng Harbour Homes Subd. sa Barangay Halang sa bayan ng Naic, Cavite kama­kalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang suspek na si Christopher Luiso y Ariola ng Block 25 Lot 8 sa nabanggit na barangay.

Base sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na nakatanggap ng tawag sa telepono ang himpilan ng pulisya mula sa ilang opisyal ng barangay na namataang papatakas ang suspek mula sa pinagnakawang bahay.

Kaagad na rumesponde ang pulisya kung saan inabutan ang suspek na nanlilisik ang mga mata at may hawak na patalim.

Subalit, imbes na sumuko ang suspek ay sinugod at mabilis na sinaksak sa tiyan si Patrolman Mario Ularte na nakasuot ng bullet proof vest kaya’t  hindi naman ito nasugatan.

Ikalawang tinangkang saksakin ng suspek si PSSgt. Angelio Pangilinan subalit pinutukan na nito dahil sa nakaambang panganib sa kanyang buhay.

Naisugod naman sa San Lorenzo Ruiz Hospital subalit idineklarang patay ang suspek na sinasabing may ilang kabahayan na rin ang inakyat-bahay nito. MHAR BASCO

Comments are closed.