ALAALA NI MIRIAM SANTIAGO BINUHAY SA HEARING SA SENADO

grace poe

MISTULANG binuhay ni Senadora Grace Poe ang mga alaala ng yumaong Senadora Miriam Defensor Santiago sa naging pahayag nito sa isinagawang pagdinig ng Senado ukol sa isyu ng Visiting Forces Agreement (VFA) o kasunduang pinasok ng gobyerno ng Filipinas sa Estados Unidos.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, iginiit ni Poe na hindi pribilehiyo kundi tungkulin ng Senado na busisiin ang mga tratadong pinapasok at nilalabasan ng gobyerno ng Filipinas.

Aniya, tama lamang ang ginagawang pagdinig ngayon ng Senado sa VFA at iba pang tra­tado na pinasok ng Fi­lipinas sa US ng mahigit dalawang dekada para malaman kung makabubuti ba ito sa interes ng bansa.

Tinukoy  ng senadora ang naging pahayag ni Santiago, dating  Chairperson of the Legislative Oversight Committee on the VFA at kilalang international law expert na  kung saan paulit-ulit na pinanindigan nito na dapat na ire-negotiate o i-abrogate ang VFA.

Ayon kay Poe, nanindigan si Santiago sa kanyang paglaban para sa soberanya ng bansa na tinawag pang lopsided ang ilang probisyon sa kasunduan.

Ipinunto rin  nito   ang sinabi ni Santiago na hindi naman sinasabing walang benepisyo na nakukuha ang Filipinas sa kasunduan sa Estados Unidos, subalit dapat na mangibabaw pa rin ang ikabubuti at interes ng sambayanang Filipino.

Kung kailangan  aniya na i-withdraw ang bilateral agreement, dapat may sapat na basehan at kung anoman ang magiging aksiyon ng Ehe­kutibo rito dapat mangibabaw pa rin ang interes ng sambayanang Filipino. VICKY CERVALES

Comments are closed.