ALAMIN ANG PINAKAMALAPIT NA ESTASYON NG PULIS

Magkape Muna Tayo Ulit

KAMAKAILAN ay tumambad sa atin ang balita na isang grad­weyt ng Ateneo ang pinaslang habang papauwi sa kanilang bahay sa may Brgy. Concepcion Uno, Marikina City. Ang 23-anyos na lalaki ay si Francis de Leon. Biktima siya ng holdap. Napakasakit dahil ayon sa balita, mga limang minuto lamang na lakad ay nasa bahay na siya. Sa madaling salita, malapit na siya sa kanilang bahay. Bagama’t dis oras na ng gabi, ang lugar ng krimen ay nasa isang mataong lugar at daanan ng maraming sasakyan. Napakamalas lang ni Francis at siya ang nakursunadahan ng isang kriminal na sira ulo at walang kaluluwa.

Nakapanghihina­yang dahil malaki pa ang kinabukasang hinaharap ni Francis. Siya ay kumukuha ng master’s course sa disaster risk management sa Ateneo at empleyado sa DepEd bilang isang community planner. Kitang kita na may plano si Francis sa kanyang buhay at tila nakatuon ang kanyang adbokasiya upang maka­tulong sa ating bayan sa pamamagitan ng pag-aaral kung papaano maib­san ang mga posibleng panganib tuwing may sakuna sa ating komu­nidad. Nararamdaman ko ang sakit na dumating sa pamilya ni Francis dahil may anak din ako na lalaki na malapit na rin maggradweyt sa kolehiyo.

Mabuti na lang at agarang nahuli ang mga salarin ng krimen na ito. Dito tuloy ako napapaisip na tama ang kampanya ni Pangulong Duterte laban sa kriminalidad at ilegal ng droga. Nakasisiguro ako na itong gagong kriminal na kumitil sa buhay ni Francis ay isang adik. Walang tao na nasa wastong pag-iisip ang makagagawa ng ganitong klaseng krimen.

Sa totoo lang, marami tayong mga estasyon ng pulis na nakalagay sa ating mga barangay at komunidad. Subali’t minsan ay hindi alam ng karamihan kung nasaan ang mga ito. Malaking bagay na alamin natin kung saan ang pinakamalapit na police station upang kung magkaroon ng emergency, alam natin agad kung saan tatakbo ng saklolo kung nangangailangan ng pulis.

Mabuti na lang at nagkaroon ng ugnayan ang Philippine National Police (PNP) at ang Social Security System (SSS) upang magkaroon ng isang nationwide na paglalagay ng mga signboard o direksiyon upang malaman ang pinakamalapit na estasyon ng pulis.

Nagkaroon ng pirmahan ang dalawang ahensiya sa isang Memorandum of Agreement (MOA) at ang pormal na pag-turnover ng mga nasabing mga karatula o signage. Ayon sa PNP ang mga karatula ay magmumula sa SSS. Nakalagay sa mga karatula, maliban sa direksiyon patungo sa pinakamalapit sa estasyon ng pulis, ay ang iba pang ahensiya na maaring matawagan upang makahingi ng agarang aksiyon sa  emergencies.

Maganda ito dahil makadaragdag ito ng “awareness” sa lahat ng mga residente sa nasabing lugar. Makatutulong din ito upang maiwasan ang gulo dahil medyo mag-aalangan na ang mga sira ulo na gumawa ng kaguluhan o krimen dahil alam ng lahat kung saan dudulog upang makahingi ng tulong sa kapulisan.

Sabi nga ni SSS president and CEO Emmanuel Dooc na ang MOA ay upang ma-proteksiyonan ang kapakanan ng mga Filipino. Sana ay dumami pa ang mga ganitong klaseng proyekto na maaring pamarisan upang magkaroon tayo ng mapayapang pamumuhay.

Comments are closed.